GAPAN CITY POLICE STATION, TUMANGGAP NG PAGKILALA DAHIL SA MAHUSAY NA SERBISYO AT PAGSUGPO SA ILEGAL NA DROGA SA KANILANG LUNGSOD

Tumanggap kamakailan ng natatanging pagkilala ang Gapan City Police Station dahil sa mahusay na serbisyo at sunud-sunod na tagumpay sa isinagawang “Anti-Criminality And Anti-Illegal Drugs O Drug Bust” sa kanilang lungsod.

Iginawad ng Lokal Na Pamahalaan Ng Lungsod Ng Gapan sa pangunguna ni Mayor Maricel Natividad-Nagaño at ng ina ng lalawigan, Congresswoman Cherry Umali, ang Certificate Of Commendation sa dalawampu’t isang (21) kapulisan at sa Chief Of Police ng istasyon na si Police Superintendent Nelson Aganon.

Ayon kay Aganon, sa loob ng anim na buwang operasyon ay nakahuli na sila ng mahigit sa walumpung (80) tulak ng droga. Kaya naman sa kasalukuyan, ang Gapan City Police Station umano ang may pinakamalaking huli ng drug pushers sa buong Nueva Ecija.

Kamakailan lang, sa isinagawang buy-bust operations sa Barangay Sto.Cristo Sur at Malimba, Gapan City ay mabilis na nakahuli ng limang drug pushers ang naturang kapulisan.

Ngunit ayon sa kanila, hindi pa rin sila titigil sa pagsasagawa ng mga operasyon.

Dagdag pa ni Aganon, lalong lumaki ang tiwala ng mga mamamayan sa kanila dahil sa mahusay na serbisyo ng istasyon at dedikasyon sa pagsugpo ng ilegal na droga sa kanilang lungsod.

Samantala, bukod sa certificate na tinanggap ng Gapan City Police kamakailan ay matatandaang iginawad rin sa kanila ang isang Silver Eagle Award noong nakaraang taon dahil sa kanilang patuloy na pakikiisa at pagtulong sa pagpapatupad ng Patrol Plan 2030 Ng Philippine National Police (PNP).

Isa ang Gapan City Police Station sa limang istasyon na ginawaran ng naturang national award at kauna-unahan naman sa buong lalawigan.Ulat Ni Janine Reyes