BENEPISYO PARA SA MGA SOLO PARENT AT KASAMBAHAY NG MGA KAWANI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, TINALAKAY

Tinalakay ng Provincial Human Resource Management Office at Provincial Social Welfare Development Office ang mga benepisyong nakapaloob sa Republic Act 8972 o Solo Parents Act of 2000 at Republic Act 10361 o Kasambahay Law 2013 noong nakaraang linggo sa auditorium ng bagong kapitolyo sa Palayan City.

Espesyal ang araw na ito para sa kanila dahil sa ibinigay nina Governor Oyie Umali, Vice Governor GP Padiernos at Congresswoman Cherry Umali upang mas lalo pang maintindihan at maunawaan ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ang mga karapatan at limitasyon ng solo parent na nakapaloob sa R.A. 8972.

Katulad na lamang ni Ginang Corazon A. Rafael, siyam na taon nang solo parent, malaki ang naitulong sa kanya ng mga pribilehiyong ito sa pagtataguyod ng kanyang pamilya.

Ayon sa kanya, mahirap gampanan ang pagiging ama at ina sa kanyang tatlong anak.

Dagdag pa ni Ginang Rafael, isang malaking achievement para sa kanya ang mapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak.

Bukod dito, tinalakay din ng Provincial Social Welfare Development Office o PSWDO ang mga karapatan na kinakailangan ng isang kasambahay sa ilalim ng batas ng R.A. 10361.

Ayon sa RA 10361 o Kasambahay Law 2013, labag sa batas ang tumanggap ng kasambahay na labinlimang taong gulang pababa, bawal ang iniipit at makielam sa sweldo, bawal ipabayad sa kasambahay ang nasirang gamit kung hindi naman ito sinasadya, bawal ipahiram o gamitin ng ibang tao ang kasambahay at bawal ang sumira sa napagkasunduan usapan.

Binigyang-diin din ni Ginang Angeles sa kanyang presentasyon na kailangang itrato bilang pamilya ang mga kasambahay at kailangang ibigay ang nararapat na benepisyo na nakasaad sa batas.- Ulat ni Shane C. Tolentino