RPOC, NAALARMA SA 1.6 M KILO NG NAKUMPISKANG SHABU SA REGION 3

Naalarma sina Nueva Ecija Governor Oyie Umali at Pampanga Governor Lilia Pineda sa ipinirisentang accomplishment report ni PDEA Assistant Regional Director Attorney Christian Privaldo sa ginanap na quarterly meeting ng RPOC sa Pampanga.

Makikita sa comparative report na sumipa sa 1.6 milyong kilo ng shabu ang nakumpiska ng PDEA, National Bureau of Investigation at Philippine National Police noong taong 2014 mula sa mga lalawigan sa Central Luzon na malaki ang itinaas kumpara noong 2013 na nasa 39.147 kilos lamang.

Para kay Governor Baby Pineda, ang ganito kadaming shabu na nasamsam sa rehiyon ay naglalarawan ng pangit na imahe ng mga lalawigan at gobernador.

Dapat umano ay may koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan ang PDEA para makatulong ang mga local chief executives at pulis sa problema sa illegal na droga.

Diskumpyado naman si Governor Umali kung tama ang inilahad na ulat ni Attorney Privaldo kaya hiniling niya sa PNP na beripikahin ang nasabing datos.

Pinanindigan naman ni Privaldo na tama ang kanilang nakalap na datos na ipinakita sa kanyang report.

Makaraang putulin ni Governor Umali ang diskusyon ay nag-schedule na lamang ng special meeting sa April 13, 2015 upang talakayin ang nasabing isyu kasama ang Department of Justice at mga Provincial Director ng PNP.- Ulat ni Clariza De Guzman