PAGBIBISIKLETA, MABISANG EHERSISYO UPANG MAKAIWAS SA ILANG MGA SAKIT

Mataas na presyon at mataas na blood sugar ang ilan lamang sa naranasan noon ni Joey Ruiz isang negosyante mula sa lungsod ng Muñoz.

 

Dahil dito, nagsimula siyang maging aktibo sa  ilang sports kabilang na ang pagbibisikleta na malaki umano ang naging tulong sa kaniyang malusog na pangangatawan ngayon.

 

Kaya naman apat na taon nang sinusuportahan ng pamilya ni Joey ang lokal na pamahalaan  ng brgy. Bagong Sikat, Muñoz City sa pagsasagawa ng kanilang taunang Riders Cup o karera ng bisikleta na dinarayo ng mga siklista mula sa iba’t ibang bayan at kalapit lalawigan ng Nueva Ecija.

 

Naglalayon ang nasabing karera na pagsama-samahin ang mga siklista sa lalawigan maging ang  bikers mula sa ilang probinsya tulad ng Pangasinan at Tarlac at upang  mahikayat pa ang maraming Novo Ecijano sa ganitong klase ng sports.

 

Kabilang sa humigit kumulang 200 bikers na dumayo sa Muñoz sina Mang Danny at Mang Ronnie na kapwa siklista at humakot na rin ng medalya sa larangan ng bicycle race ang naniniwala sa magandang benepisyong naidudulot nito sa ating katawan.

Samantala umabot sa 50 kilometers ang inikot ng mga bikers patungong Lupao at bumalik muli sa lungsod ng Muñoz.– Ulat ni Mary Joy Perez