Bahay ng Empleyado ng NEECO, Pinaulanan ng Bala; Sentensiyador ng Sabungan, Niratrat ng Tandem, Patay

Quezon- Pinaulanan ng bala ng tatlong hindi nakilalang armadong suspek ang bahay ng isang lineman ng NEECO sa barangay Sto. Tomas Hilera, bayan ng Quezon.

Kinilala ang may-ari ng tahanan na si Zaldy Laungayan y Gamboa, kwarenta’y tres anyos.

Base sa ulat, bandang alas onse trenta ng gabi nagulat na lamang si Gamboa na noo’y nanonood ng tv ng makarinig ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.

Tinamaan ng bala ng kwarenta’y singkong baril ang bintana at ding-ding ng biktima.

Sinubukan umano niyang kilalanin ang mga suspek ngunit mabilis ng tumalilis ang mga ito.

Sto. Domingo- Patay ang isang sentensiyador ng sabungan matapos ratratin ng riding in tandem sa kahabaan ng kalsada sa barangay Sagaba, bayan ng Sto. Domingo.

Idineklarang dead on arrival ang biktimang si Francisco Gaston y Aspres alyas “Onging”, kwarentay tres, ng barangay Poblacion East, East, na nagtamo ng tatlong tama ng hindi pa natutukoy na baril sa kanyang katawan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya at SOCO, habang minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle sakay ang kanyang asawa at dalawa pang pasahero nang umovertake ang dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Makaraang maisagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga salarin. Ulat ni Clariza de Guzman.