PANGARAP NA SCHOOL STAGE NG MGA GURO AT MAG-AARAL NG IBABAO BANA ELEMENTARY SCHOOL, MATUTUPAD NA

Matutupad na sa wakas ang pangarap ng mga mag-aaral ng Ibabao Bana Elementary School , Cabanatuan City na abutin ang minimithing diploma sa isang maayos at magandang entablado sa darating na Araw ng Pagtatapos sa ika-dalawampu’t pito ng Marso.

Ito ay nabigyang katuparan matapos pagkalooban ng Provincial Government, sa pangunguna ni Governor Oyie Umali at Congresswoman Cherry Umali, ang naturang paaralan ng mga construction materials para sa pagpapagawa ng bagong school stage sa ilalim ng programang Cement Distribution ng Provincial Government.

Kwento ng School Principal ng IBES na si Victoria Arahan, noon ay idinadaos lamang nila ang graduation ng mga bata at iba pang mga programa sa isang improvised stage at kung minsan naman ay sa mismong gymnasium na lang.

Kaya naman sa isinagawang Awarding of Construction Materials sa paaralan na dinaluhan ng mga magulang at ilang kawani ng barangay nitong Lunes, halos maluha si Arahan dahil sa labis na kasiyahan at pasasalamat sa magandang regalo na natanggap nila mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Governor Oyie, bilang Ama ng Lalawigan, ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa kapakanan ng bawat Novo Ecijano. Kaya naman ang payo niya sa lahat ng magulang ng mga mag-aaral ng nasabing paaralan, ibigay ang buong suporta sa mga kaguruan at makipagtulungan sa bawat proyekto ng paaralan.

Samantala, base sa plano, ang gagawing stage ay may sukat na 7.5 by 8 meters, may backstage at maliit na comfort room sa likuran, at magandang 1 meter-stairs sa magkabilang gilid.

At sa dami ng ipinagkaloob na materyales ng Provincial Government, ay maaaring makapagpagawa na rin umano ang paaralan ng bleachers sa gilid ng gymnasium na ipinagkaloob rin ni Gov Oyie.

Dahil dito, hindi na maitago ang kasabikan ng mga estudyante lalong lalo na ang apatnapu’t limang Grade 6 students na magsisipagtapos ngayong Marso.

Sa kasalukuyan ay ginagawa na ang pangarap na entablado ng Ibabao Bana Elementary School na inaasahang matatapos sa susunod na linggo. – Ulat ni Janine Reyes