TV48 NEWS TEAM, NANGUNA SA ADVANCE PHOTOGRAPHY AND VIDEO PRODUCTION SEMINAR-WORKSHOP

Sumailalim sa tatlong araw na Seminar-Workshop ng Advance Photography and Video Production, ang mahigit kumulang labing limang miyembro ng AFP o Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ng Tv48 News Team, na ginanap sa loob ng kampo sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City.

Ang mga sundalo na naging participants ng naturang training ay nagmula sa iba’t ibang unit ng Armed Forces sa naturang kampo, na nagnanais hasain ang kanilang kaalaman pagdating sa Photography at Videography upang makagawa ng Video Production.

Ayon kay Major Nelson Q. Boticario, nagrequest sila sa pamunuan ng TV 48 na magkaroon ng ganitong klase ng Seminar dahil mahalaga sa kanila na matuto ng ganitong skills upang makatulong sa paggawa nila ng mga documentation tungkol sa kanilang hanay.

Sinabi rin ni Boticario na pinili nila ang Tv48 dahil na rin sa kanilang paniniwala sa nasabing stasyon.

Samantala, sa unang araw ng Seminar ay tinalakay ang pagsusulat  at mga dapat tandaan sa paggawa ng balita.

Kasunod nito ay isa-isang tinutukan ang mga participants sa photo at video editing. At matapos ang tatlong araw ng pagsasanay ay nagkaroon ng Video Presentation ang mga sundalo na hinusgahan ng ilang hurado mula sa Tv48 at pinarangalan ang mga nanalo.

Labis naman ang pasasalamat ng mga sundalo sa TV48 dahil umano sa hindi matatawarang pagkakataon at pagtitiyaga na ibinigay nito upang sanayin sila sa Advance Photography at Video Production na magagamit nila ng panghabang panahon. –Ulat ni Mary Joy Perez