PLANO NG DEPED SA PAGPAPATUPAD NG K-12 SA NUEVA ECIJA, INILAHAD SA LGU

Inilahad ng limang dibisyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa Nueva Ecija ang kanilang Senior High School Implementation Plan sa harap ni Governor Aurelio Umali at mga Punong Bayan sa ginanap na Provincial Summit sa Old Capitol Amphi Theater.

Ayon kay Schools Division Superintendent Edna Santos-Zerrudo, layunin ng presentasyon na makatuwang ng DepEd ang mga local government units sa lalawigan upang matagumpay na maipatupad ang programang K-12 o ang pagpapahaba ng basic education.

Paliwanag ni Zerrudo, base sa magkakaibang pangangailangan ng bawat school division sa imprastraktura at mga guro ay nakabuo sila ng plano para matiyak na maipatutupad sa pinaka simpleng paraan ang senior high school kung saan magsisimulang pumasok sa edad na limang taon ang estudyante sa kindergarten at daragdagan ng isang taon ang bawat grade level.

Malaking pagbabago umano ang magaganap sa edukasyon sa bansa bunga ng K-12 na dapat paghandaan kaya naman isinama ng DepEd ang mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng K-12.

Bagaman malaking hamon ani Governor Umali para sa kanilang mga local chief executives kung saan kukuhanin ang pondo na kakailanganin sa pagpapatupad ng K-12 ay sinigurado naman niya na patuloy ang pagbibigay nila ng suporta dahil naniniwala siya sa magandang adhikain ng nasabing programa.-Ulat ni Clariza De Guzman