PHILIPPINE COUNCILOR’S LEAGUE-LEGISLATIVE ACADEMY, IBINABA NA SA LALAWIGAN NG NUEVA ECIJA

Magiging mas madali na para sa mga public officials at government employees ng iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija na makakuha ng Bachelor’s o Masters Degree.

Ito ay dahil sa national program na PCL-LA o Philippine Councilor’s League Legislative Academy na kamakailan ay opisyal nang ibinaba sa lalawigan sa tulong ng PCL Nueva Ecija Chapter at ni Governor Aurelio “Oyie” Umali.

Sa pamamagitan nito, hindi na kailangan pang gumastos ng malaki at pumunta sa malalayong PCL-LA Centers sa Pilipinas ang mga public officials para makapag-aral.

Ayon kay PCL Nueva Ecija Chapter President Peter Marcus “Makoy” Matias, ibinaba ang PCL-LA sa lalawigan dahil marami sa mga public officials ang nagnanais pa na makapag-aral at makakuha ng Bachelor’s o Master’s Degree.

Kamakailan lang ay isinagawa na ang orientation seminar patungkol sa naturang highly-specialized learning system ng PCL na ginanap sa De Luxe Hotel and Restaurant, Cabanatuan City na dinaluhan ng PCL Nueva Ecija Chapter officers at ng mahigit kumulang sa isandaang legislators o public officials mula sa iba’t ibang bayan.

Sa naturang orientation, ipinaliwanag ni PCL-LA Executive Director Dr. Helario Caminero, ang sistema at kagandahan ng nasabing innovative program.

Ayon sa kanya, base sa isang survey, 20-25 percent ng kabuuang 16,700 municipal at city councilors sa bansa ay walang college degree habang ang limang porsyento naman nito ay hindi nakapagtapos ng high school.

Ang PCL-Legislative Academy ay ang nagsisilbing academic arm ng Councilors League na nagbibigay ng trainings, seminars at conferences na naglalayong makapagbigay ng mga kasanayan at kaalaman sa mga opisyal upang mas mahusay na mapagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan.

Sa offered degree course na Public Administration, binibigyan ng kaalaman ang mga legislators tungkol sa Development Planning, Public Policy Analysis, Public Fiscal Administration, Comparative Governance at marami pang iba.

Isa sa mga nagtapos na ng Bachelor’s Degree sa PCL-LA at kasalukuyang kumukuha ng Master’s Degree sa University of Makati si Adonis Balagtas, konsehal ng bayan ng San Antonio. Ayon sa kanya, malaki ang naitulong sa kanya ng PCL-LA at masaya siya na magkakaroon na PCL-LA center sa lalawigan.

Samantala, nilinaw naman ni Bokal Matias na ibinaba ang programa, hindi para kumita, kundi para mabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na makapagtapos at magkaroon ng diploma dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang pamamahala o panunungkulan.

Inaasahang magsisimula ang seminar-school type class ng PCL- LA Nueva Ecija sa darating na ika-sampu hanggang ika-labindalawa ng Abril sa Sierra Madre Suites, Palayan City kung kaya’t hinihikayat na ang lahat ng mga interesadong public officials at government employees na makipag-ugnayan sa PCL Nueva Ecija Chapter. – Ulat Ni Janine Reyes