Lalaki, Binugbog ng Kainuman, Todas; Dalawang Magsasaka, Tinambangan; Isa, Patay

Cuyapo-Nauwi sa trahedya ang masayang inuman ng dalawang lalaki matapos mapatay sa bugbog ang isang kwarenta’y tres anyos na lalaki ng kanyang nakainuman sa barangay Matindeg, bayan ng Cuyapo.

Kinilala ang biktima na si Albert Aguilar y Reyes, at Dioni Carrera y Ignacio, bente uno anyos, kapwa residente ng Sitio Damdamilian ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, bandang alas nueve ng gabi nang magkainuman ang dalawa , makaraan ang isang oras ay naunang umuwi ang suspek at binalak na patayin ang biktima.

Kinabukasan, natagpuan na lamang ang biktima nakahandusay sa palayan na isa ng malamig na bangkay.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya at SOCO na inaabangan ng suspek ang pag-uwi ng biktima at tsaka isinagawa ang pagpaslang dito.

San Jose City- Patay ang isang magsasaka matapos tambangan ng tatlong armadong kalalakihan sa barangay San Agustin, San Jose City.

Una rito, magkaangkas sa motorsiklo ang dalawang magsasaka na kinilalang sina Mario Correa Jr. y del Rosario, trenta’y sais anyos, residente ng barangay Kaliwanagan, at Danilo Sumiquiab y Basada, kwarenta’y nueve anyos ng barangay San Agustin nang pagbabarilin ng mga suspek.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Correa na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan samantala tinamaan naman sa kaliwang braso at balikat si Sumiquiab na itinakbo sa ospital.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang limang bala ng kwarenta’y singko, apat dito ang basyo, at tatlong basyo ng bala ng 9mm caliber.- Ulat ni Clariza de Guzman