5TH MAIS FESTIVAL-STREETDANCE AND FLOAT PARADE NG NEUST, NILAHUKAN NG IBA’T IBANG BAYAN MULA SA LALAWIGAN NG NUEVA ECIJA SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON

Nakilahok sa kauna-unahang pagkakataon ang iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Nueva Ecija sa isinagawang Festival Streetdance and Float Competition ng Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang 5th Mais Festival and 17th Charter Anniversary kamakailan.

Kasamang pumarada ng pamantasan ang labinlimang makukulay na floats at mahuhusay na streetdancers mula sa NEUST Campuses and Departments at iba’t ibang bayan kabilang na ang Aliaga, Macabaclay National High School, Bongabon, Brgy. Quezon District ng Cabanatuan City, Quezon, Peñaranda, Gabaldon, Cabuiao, Carranglan, San Antonio at San Leonardo.

Ipinarada rin ang “Holy Face of Jesus” na matatandaang mapalad na iniluklok sa simbahan ng Immaculate Concepcion sa bayan ng Nampicuan.

Sa temang mais, nagpatalbugan ang bawat entries sa disenyo ng kani-kanilang floats habang naging masaya naman ang parada dahil sa masiglang pag-indak ng mga street dancers.

Pinangunahan ng NEUST Members of Administrative Council at ni President Hilario Ortiz ang naturang parada na umikot simula sa NEUST General Tinio Campus, Old Capitol, Pamilihang Bayan, hanggang sa National Food Authority, Philippine Highway sa Cabanatuan City.

Ang parada at kompetisyon ay ginanap nitong nakaraang Huwebes, bilang highlight ng unang araw ng selebrasyon na sinimulan naman sa isang Thanksgiving Mass na pinangunahan ni Reverend Father Jose Elmer Mangalinao.

Tulad ng nakagawian, nagpalipad ng daan-daang makukulay na lobo ang Faculty and Staff at Administrative Council ng NEUST, sa pangunguna pa rin ni Dr. Ortiz, bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng pagdiriwang.

Sa opening ceremony rin ipinakilala ang mga naging hurado ng float and streetdance competition na nagmula pa sa Tarlac State University, Technological University of the Philippines, National Historical Commission of the Philippines, Makati Development Corporation, National Commission for Culture and the Arts at Philippine Folk Dance Society.

Samantala, masaya namang ibinalita ng pamantasan na tuluy-tuloy na ang pag-iimbita nila sa iba’t ibang bayan sa lalawigan at inaasahang mas magiging malawak pa ang selebrasyon ng Mais Festival sa susunod pang mga taon.- Ulat ni Janine Reyes.