TALENTADONG NOVO ECIJANA: Ana Lourdes Jimenez Gabasan

Gintong pangarap ang natupad ng 15 year old na si Ana Lourdes Jimenez Gabasan, tubong San Jose City, Nueva Ecija, nang mapabilang siya sa Team Philippines na sumabak sa 18th World Championship of Performing Arts 2014 sa Hollywood, Los Angeles, California, kung saan nakamit ng kanilang team ang gintong medalya sa Group Production at hinirang na Senior and Junior Grand Champion.

Maliban sa pag-awit si Ana ay nahilig din sa pagtugtog ng iba’t ibang mga instrument katulad ng piano, drums, gitara, ukulele at angklung, at hindi rin naglaon ay natuto na rin siyang sumabay sa saliw ng iba’t ibang tugtugin.

Nakita ang potensiyal ni Ana sa pag-awit at pagtugtog ng piano pa lamang noon nang siya ay edad dalawa pa lamang. Si Ana ay kabilang sa pamilyang may hilig at pagmamahal sa musika kaya hindi nakapagtatakang lumaki siyang may matibay ding pag-ibig sa musika.

Itinuturing ni Ana ang naging karanasan sa California bilang isang hamon at inspirasyon upang magpatuloy sa pangangarap at ninais na maibalik ang karangalan sa sariling Bayan.