PAGKALUGI NG MGA MAGSISIBUYAS, ISINISISI SA IMPORTASYON

Naglabas ng sama ng loob at mga hinaing ang ilang magsisibuyas sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija dahil sa pagkalugi ng kanilang hanapbuhay bunsod umano ng patuloy na importasyon ng mga agricultural products sa bansa.

Halos tumulo ang luha ni Mang Boy at Aling Conchita habang pinagmamasdan ang kanilang inaning sibuyas dahil sa pagbagsak ng presyo nito sa merkado.

Kaya naman ang panawagan nila sa pamahalaan tulungan at ipatigil na ang impotasyon sa bansa.

Sa kasalukuyan ayon kina Aling Conchita ang farm gate price ng lokal na sibuyas ay umaabot na lamang sa 8-13 pesos kada kilo mula sa dati nitong presyo noong nakaarang taon na 25-30 pesos.

Samantala, iginiit rin ni Anak Pawis Rep. at Pangulo ng Alyansang Magsasaka Rafael “Paeng” Mariano na marapat lamang na tugunan na ng gobyerno ang problema ng mga magsasaka sa usapin ng importasyon ng mga produktong pang-agrikultura kabilang na ang sibuyas na labis na nagpapahirap sa mga ito.

Dagdag pa ni Mariano na dapat na umanong ibalik ang mga batas na nagpoprotekta sa mga magsasaka tulad ng R.A No. 7607 o Magna Carta for Small Farmers na siyang nagbabawal sa importasyon ng mga agricultural products sa bansa upang sa gayon ay manumbalik ang sigla ng kabuhayan ng mga maliliit na manggagawang bukid.- Ulat ni Mary Joy Perez