Bahay ng Isang 67-anyos na Lolo, Pinaulanan ng Bala!; Hinold-up ng Riding in Tandem

Gapan City- Iniimbestigahan ng mga otoridad kung sino ang nasa likod ng nangyaring pagpapaulan ng bala sa bahay ng isang sisenta’y syete anyos na lolo sa Likod Drive, barangay San Nicolas, Gapan City.

Kinilala ang may-ari ng tahanan na si Alejandro Mangahas y Diaz.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, bandang alas onse kwarenta’y singko ng gabi huminto ang isang motorsiklo kung saan magkaangkas ang dalawang suspek na armado ng mahahabang baril at bigla na lamang pinagbabaril ang bahay ni Mangahas.

Matapos ang pamamaril, bumaba ng motor ang back rider at lumipat sa isang four wheels na sasakyan at tumakas patungo sa direksyon ng bayan ng San Isidro.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang limang basyo ng bala ng M16 rifle.

San Isidro-  Nagkakahalaga ng 410,000 pesos at 60 dollars ang natangay ng umatakeng riding in tandem mula sa isang negosyante sa barangay Alua, bayan ng San Isidro.

Base sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Emilita Nieto y Esquivel, businesswoman, may-ari ng pinasok na Tire and Service Center, residente ng barangay San Roque ng naturang bayan.

Maliban sa pera ay tinangay din ng mga suspek ang sampong bank cheques, limang passbooks, credit card, at driver’s license ng biktima.

Nangyari ang insidente dakong alas nueve singkwenta ng umaga, dumating ang mga suspek lulan ng isang kulay itim at pulang Honda Supremo motorcycle na walang plate number.

Pagkababa ng suspek na nakaangkas sa motor ay kaagad itong dumiretso sa loob ng establisyemento at nanutok ng baril sabay nagdeklara ng hold-up

Naiwan naman sa labas ang driver ng motorsiklo na nagsilbing back up.

Makaraan ang panghoholdap ay mabilis na tumalilis ang mga suspek papuntang bayan ng Cabiao. Ulat ni Clariza de Guzman.