Matinding pagsisikip ng trapiko sa Bangad at Pangatian, perwisyo sa mamamayan

Matinding pagsisikip ng trapiko ang idinudulot ngayon ng muling pagsasaayos ng kahabaan ng kalsada sa barangay Bangad at Pangatian, Cabanatuan City patungong Palayan City vice versa.

Mahabang oras ang hinihintay at ibinabyahe bago makaalpas sa nasabing daanan kaya naman napipikon na ang mga mamamayan na naaapektuhan ang hanap-buhay at pag-aaral.-

Inirereklamo ng mamamayan ang muling pagsasaayos ng kalsada sa Bangad at Pangatian dahil wala pa itong isang taong napapakinabangan simula ng ayusin noong nakaraang taon pero heto at muli na namang ginagawa.

Mapapansin habang binabaybay ang kahabaan ng naturang daan na walang nakalagay na mga karatula bilang babala para sa mga dumaraan.

Wala ring inilaang alternatibong ruta na pwedeng ikutan habang ma-traffic sa ginagawang kalsada.

Panawagan ng mamamayan sa kinauukulan, pagbutihin ang pagpapagawa ng mga proyekto para hindi paulit-ulit at upang makaiwas sa abala.- Ulat ni Clariza De Guzman