Governor Aurelio “Oyie” Umali at Congresswoman Cherry Umali, dumalo sa isinagawang flag ceremony sa bayan ng Sta. Rosa

Buong pagmamalaking ipinahayag ng Ama ng Lalawigan ng Nueva Ecija, Governor Aurelio Umali, ang kanyang walang sawang pagtulong at pagmamahal sa kanyang kinalakihang bayan, ang bayan ng Sta. Rosa.

Nitong nakaraang Lunes, sa kauna-unahang pagkakataon ay dumalo sa isinagawang flag ceremony sa bayan ng Sta. Rosa ang gobernador kasama ng kongresista ng ikatlong distrito na si Congresswoman Cherry Umali.

Ang naturang flag ceremony ay dinaluhan ni Mayor Josefino “Otep”Angeles, Vice Mayor Tony Romero, mga konsehal ng bayan, mga kawani ng pamahalaang-bayan mula sa iba’t ibang departamento, lahat ng kapitan ng iba’t ibang barangay, at iba pang mga panauhin.

Masayang tinanggap ng bayan ng Sta. Rosa ang gobernador at kongresista kung saan naghandog pa ng isang natatanging pagtatanghal ang mga benepisyaryo ng programang “Pantawid Pamilya”.

Sa kanilang mga mensahe, ipinahayag ng Ama at Ina ng Lalawigan ang kanilang buong-pusong paglilingkod, pagmamahal at pagsuporta sa naturang bayan.

Labis naman ang kaligayahan at pasasalamat ni Mayor Angeles sa pagbisita ng butihing gobernador at kongresista sa kanilang bayan. Ayon sa kanya, napakarami na ng programa at proyektong ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa kanila.

Kasabay nito, sa naturang programa ay opisyal na pinarangalan ang bayan ng Sta. Rosa ng “Child Friendly Local Governance Award” mula sa National Government.

Ito ay dahil sa outstanding performances ng mga Day Care workers at Day Care Centers sa bayan at apat na excellent awards sa mga Day Care Centers na tinanggap ng apat na baranggay.

Ikinatuwa ito ng Ina ng Lalawigan kung kaya’t pinagkalooban niya ang bawat day care centers ng PHP500.00 per month simula ngayong Marso.

Samantala, matapos ang programa, dinalaw ni Congresswoman Cherry ang iba’t ibang opisina sa munisipyo ng Sta. Rosa na labis na ikinatuwa ng mga empleyado at kawani ng pamahalaang bayan.

Pagkatapos ay personal na kinausap ng butihing gobernador at kongresista si Mayor Angeles at ang lahat ng mga lingkod-bayan ng Sta. Rosa maging ang mga Barangay Captains.

Dito ay ibinigay nila ang kanilang buong atensyon upang dinggin ang mga problema at hinaing ng buong bayan at upang magbigay ng kaukulang tulong at suporta sa mga proyektong nais nilang isagawa. – ULAT NI JANINE REYES.