Food processing building para sa kabute, ipinagkaloob ng DAR sa Barangay Parista, Lupao

Pormal nang ipinagkaloob ng DAR o Department of Agrarian Reform ang food processing center na ito sa mga miyembro ng PBDS-MPC o Parista Barangay Defense System Multi-Purpose Cooperative sa brgy. Parista sa bayan ng Lupao, Nueva Ecija bilang bahagi ng proyekto ng National Government na VLPCEP o Village Level Processing Center Enhancement Project.

 

Present ang ilang ahensya ng gobyerno mula sa Region III kabilang na ang Department of Trade and Industry, Food and Drug Administration, Department of Science and Technology at Department of Agriculture upang mabigyan ng tamang kaalaman ang mga miyembro ng kooperatiba para mapangalagaan at mapanatiling malinis, maayos at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

 

Sa ngayon, kabute o mushroom ang pangunahing produktong ipinakikilala ng bayan ng Lupao partikular ng brgy. Parista.

 

Katuwang ang DTI, iba’t ibang pagkain mula sa kabute ang ngayon ay ibinebenta na ng kooperatiba hindi lamang sa Nueva Ecija kundi maging sa labas ng probinsya tulad ng Cebu. Ilan sa mga produktong ito ang mushroom burger, sisig, chicharon at iba pa.

 

Nagpasalamat naman si PBDS-MPC Chairman Roberto P. Gaid sa lahat ng ahensya na tumulong sa kanilang kooperatiba at sinabi nito na makaaasa ang DAR na mas pagyayamanin nila ang kanilang hanapbuhay na siyang unti-unti nang kinikilala sa ilang bayan sa lalawigan maging sa iba pang probinsya.

 

Samantala, layunin umano ngayon ng PBDS-MPC na mai-akyat na nila ang kanilang mga produkto sa malalaking malls at sa marami pang bahagi ng bansa. Ulat ni Mary Joy Perez