LIBRENG EXECUTIVE CHECK-UP HANDOG NG PROVINCIAL GOVERNMENT, PATULOY NA IPINAGKAKALOOB SA MGA MAMAMAYAN NG LUNGSOD NG CABANATUAN

Hindi na hadlang ang pagiging mahirap o kapos-palad ng mga mamamayan ng Lungsod ng Cabanatuan upang makapagpacheck-up at makapagpagamot sakaling may karamdaman.

Kahapon lang ay nabenepisyuhan na ng naturang programa ang Brgy. Bagong-Sikat kung saan sampung Senior Citizens at kababaihan ang pinagkalooban ng libreng check-up.

Isa si Mang Remegio Rancapan, 69 years old, sa mga Senior Citizens na nabenepisyuhan ng programa. Ayon sa kanya, hirap siyang huminga at madalas manikip ang dibdib. At dahil sa hirap ng buhay, hindi niya magawang magpacheck-up at magpagamot sa tuwing sumusumpong ang karamdaman niya.

Kaya naman laking pasasalamat niya nang malaman niyang may libreng check-up na ipinagkakaloob ang Provincial Government sa mga katulad niyang Senior Citizen.

Mahigit sa isandaang Senior Citizens na ang nabigyan ng pagkakataon na makapagpatingin sa ospital ng libre, kabilang na ang Brgy. Bagong-Sikat, bilang ika-sampung barangay sa Lungsod ng Cabanatuan na nabenepisyuhan ng programa.

Kabilang sa mga laboratory examinations at medical check-up na isinagawa ay ang urinalysis, fecalysis, blood sugar (glucose) test, X-ray examination, ECG at iba pa.

Sa kasalukuyan ay isang Senior Citizen na rin ang nai-confine at patuloy na ipinapagamot ng Provincial Government.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ng mga taga-barangay Bagong Silang, lalong lalo na ang mga Senior Citizens,  sa walang sawang pagsuporta ng provincial government sa kanila.- Ulat ni Janine Reyes.