65TH FOUNDING ANNIVERSARY NG ARAULLO UNIVERSITY PHINMA, IDINAOS

Naging napakasaya ng selebrasyon ng 65th Founding Anniversary ng Arullo University Phinma sa lungsod ng Cabanatuan noong Biyernes.

Nagmistulang Disney Land ang buong Araullo dahil sa mga naggagandahan at naglalakihang mga float na ibinandera ng mga estudyante sa loob ng unibersidad na may temang “Magical Journey at 65”.

At siyempre hindi makukumpleto ang Magical Journey theme na ito kung wala ang mga sikat na Disney characters tulad nina Tinker Bell, Lion King, Beauty and the Beast at marami pang iba.

Hindi magkandamayaw ang mga mag-aaral sa pagtili at pagsigaw upang magbigay ng suporta sa kani-kanilang departamento kabilang na ang Department of Education na siyang tinanghal na kampiyon sa may pinakamagandang float, costumes at props.

Kasabay nito, sinabi ni Araullo University Phinma Executive Vice President Anna Chua, napakalaki ng kanilang pasasalamat sa mga estudyante at mga magulang na patuloy na nagtitiwala sa AU at ito ang isa sa mga pinanghahawakan nila upang magpatuloy pa sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.

Dagdag pa ni Chua, hindi pahuhuli ang AU sa mga nangungunang unibersidad sa buong Nueva Ecija maging sa buong Region III sa mga may pinakamataas sa board passers.

Sa katunayan umano, sila ang may pinakamalaking bilang ng mga estudyanteng nakapasa sa board examinaton para sa BS Criminology at BS Accountancy.

Samantala, isa rin sa mga nging highlights ng selebrasyon ang variety show kung saan hindi lamang mga mag-aaral ang humataw sa pagsayaw at pagkanta kundi maging ang lahat ng staff at faculties ng AU.- Ulat ni Mary Joy Perez