LIGA NG MANGGAGAWANG BUKID SA BAYAN NG GUIMBA, KINUMPRONTA ANG MGA MAY-ARI NG TINAGURIANG “HALIMAW” NA REAPER/HARVESTER

Kinumpronta na ng Liga ng Manggagawang Bukid sa Bayan ng Guimba, ang mga may-ari ng reaper/harvester upang ihain ang kanilang mga karaingan na huwag papasukin ang mga reaper/harvester sa panahon ng gapasan kung wala namang nagbabantang kalamidad.

Nauna ng napuntahan at nakausap ng mga manggagawang bukid ang reaper owner na si Ginang Mercy Carranza at ang anak nitong si Armie, kung saan sumang-ayon sila sa kasunduan na sakaling may lumapit na farm owner upang magpa-reaper sa kanila ay kanila itong tatanggihan at kokontakin ang kabisilya ng kanilang barangay upang silang gumapas sa bukid.

Sumunod na kinausap ng mga manggagawang bukid si Kapitan Roman Barroga ng Barangay San Rafael, Guimba na umaming bumili din ng reaper ang kanyang anak na maidedeliver na sa susunod na buwan.

Ayon sa kanya kahit pa may existing ordinance na umiiral sa bawat barangay ay hindi pa rin nila mapigilan ang mga farm owner na magpa-reaper dahil ayon daw sa kanila nasa bansang demokrasya sila kung saan ay may kalayaan ang bawat isa sa pagdedesisyon para sa kanilang mga sarili.

Gayunman ay nangako pa rin naman ang kapitan na idudulog nito sa kanyang mga kagawad ang mga narinig niyang karaingan ng mga manggagawang bukid upang maipaliwanag ang kanilang ninanais na pakikipagkaisa.

Ayon sa Liga ng Manggagawang Bukid ay wala silang nakuhang katugunan sa kanilang pakikipagdayalogo kamakailan kay Guimba Mayor Boyito Dizon kaya napagpasyahan ng kanilang samahan na huwag na munang siputin ang pangalawang pakikipagdayalogo sana nila noong Martes, bagkus ay sinadya na lamang nila kahapon ang mga may-ari ng reaper/harvester sa kani-kanilang mga tahanan upang hilingin ang kanilang kooperasyon sa darating na gapasan.

            Dagdag pa ni Gamay, hindi siya sang-ayon sa livelihood program na maaaring gawing kooperatiba na nauna ng inalok ni Mayor Dizon sa kanila kaya itinuturing nilang walang naging katugunan ang kanilang kahilingan sa naganap na dayalogo kay Mayor.

Nakatakda namang puntahan at isa-isahin ng Liga ng Manggagawang Bukid ang iba pang reaper owner sa Bayan ng Guimba sa mga susunod pang mga araw, upang kunan din sila ng panig patungkol sa kanilang mga karaingan at upang hingin ang kanilang kooperasyon sa kanilang mga kahilingan.-Ulat ni Shane C. Tolentino