JS PROM, NARANASAN NG MGA ESTUDYANTE NG CALABA NATIONAL HIGH SCHOOL

Isa sa mga kinasasabikang pagdiriwang ng mga high school students ang JS Prom o Junior Senior Promenade. Kamakalawa ng gabi, naranasan ito ng mga 3rd year and 4th year students sa ginanap na 49th Founding Anniversary ng Calaba National High School sa bayan ng San Isidro.

Suot ang kanilang mga gown para sa mga kababaihan at suit naman para sa mga kalalakihan ay buong ningning na nakiisa ang mga mag-aaral ng Calaba National High School sa ginanap na JS Prom.

Ayon sa Principal ng nasabing paaralan, dati ay ayaw nyang nagkakaroon ng programa sa gabi dahil napupuyat ang mga estudyante ngunit dahil sumang-ayon ang mga magulang at holiday naman kinabukasan ay napapayag na rin siya.

Bagaman hindi umano gabi ng beauty contest ang JS Prom ng Calaba National High School ay inilunsad ang Mr. and Ms. JS, Mr. and Ms. Seniors and Juniors.

Itinanghal na Mr. and Ms. JS sina Raymond Cunanan at Razelyn Talosig, Mr. and Ms. Seniors sina Patrick Jerome Tinio at Lealyn Vistal, at Mr. and Ms. Juniors Robert Carlo Dayao at Mariz Dayanghirang.

Ilan pa sa mga naging tampok na kaganapan sa 49th Founding Anniversary ng Calaba National High School ang pagsasalin ng mga simbolo ng responsibilidad ng mga namumuno sa Supreme Student Government sa mga bagong opisyal.

Hinarana rin ng mga gurong may talento sa pag-awit ang mga estudyante.

At syempre hindi rin nawala ang nakakakilig na pagsasayaw ng magkakapareha sa saliw ng Grand cotillion waltz dance. –Ulat ni Clariza De Guzman