PINAKA-BAGONG EXHIBIT NG RICE SCIENCE MUSEUM SA SCIENCE CITY OF MUÑOZ, BUKAS NA SA PUBLIKO; TEMANG “BOUNTIFUL HARVEST O MASAGANANG ANI”, ITINAMPOK

Opisyal nang ibinukas sa publiko nitong Lunes, February 23, ang panibagong exhibit ng nag-iisang museyo ng palay at bigas sa Pilipinas, ang Rice Science Museum, na matatagpuan sa Science City of Muñoz.

Ang Rice Science Museum ay itinayo upang magbigay ng mga kaalaman tungkol sa palay at bigas, tulad ng kultura at pinagmulan, iba’t ibang proseso, at ang kahalagahan nito. Bukod pa rito ay tumutulong rin ang museyo sa National Preservation Act ng bansa.

Kada-quarter ay nagpapalit ng exhibit at collections ang museum at sa pagbubukas ng panibagong quarter, itinampok ng museyo ng palay at bigas ang temang “Bountiful Harvest” o “Masaganang Ani”.

Humanga ang lahat, kabilang na ang mga stakeholders, estudyante at ilan pang mga bisitang dumalo, sa ganda at husay ng mga koleksyon na natunghayan sa loob ng museyo.

Samantala, kasabay ng pagbubukas ng exhibit, opisyal na ring ipinaabot ng Philippine Rice Research Institute (PHILRICE) Foundation ang kanilang Pledge of Support sa Philrice sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalaman ng kanilang commitment sa Philrice Museum at initial fund na PHP 150,000.00.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Department of Agriculture National Rice and Corn Program Coordinator Assistant Secretary and Philrice new OIC Director Edilberto M. De Luna, ang Philrice Foundation sa kanilang di matawarang tulong at suporta.

Pinuri rin ng Assistant Secretary ang museyo at ang magandang maidudulot nito sa mga Pilipino.

Ginawaran din ng pagkilala ang mga natatanging artists na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa bansa na nag-ambag ng kanilang mga kahanga-hangang artwork collections sa nakaraang exhibit ng museyo na may temang  “Love Life of Rice”

Samantala, ang Rice Science Museum ay bukas sa publiko mula lunes hanggang Biyernes.-Ulat ni Janine Reyes.