MGA PROYEKTO AT LAYUNIN NG DTI NGAYONG 2015, INIHAIN

Inihain ng DTI o Deparment of Trade and Industry ang kanilang mga proyekto at layunin ngayong taong 2015 sa ginanap na “Kapihan with Media” sa lungsod ng Cabanatauan noong lunes.

 

Bukod sa mga proyekto ng DTI na nakalinya ngayong taon, sinabi ni Provincial DTI director Brigida Pili na hindi nila mapagtatagumpayan ang lahat ng kanilang achievements kundi dahil sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Nueva Ecija at suporta ng ilang mga sektor.

 

Una rito, ipinakita sa ilang local at national media ang mga naging achievements ng DTI sa nagdaang taon kabilang na pagdami ng mga pumapasok na negosyante sa buong lalawigan.

 

Bagaman kapapasok pa lamang ng taon, ipinagmalaki rin ng DTI na bumaba ang bilang ng natatanggap nilang reklamo mula sa mga consumer kumpara noong unang mga buwan ng ng nakaraang taon.

 

Samantala dagdag pa ni Pili na makakaasa ang mga Novo Ecijano na tuloy na tuloy na ngayong taon ang kanilang proyekto na “Timbangan ng Bayan” na ipakakalat sa lahat ng pampublikong pamilihan sa tatlumpu’t dalawang lungsod at bayan sa lalawigan.

 

Matatandaang noong nakaraang taon pa isinusulong ng DTI ang naturang proyekto sa probinsya ngunit naantala umano dahil sa ilang usapin at suliranin sa bidding.

 

Tiniyak rin ni Pili na ipagpapatuloy pa nila ang kanilang mga layunin kabilang na ang mahigpit na pagprotekta sa mga consumers at pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga karapatan ng mga ito bilang mamimili. Ulat ni Mary Joy Perez