Hepe ng Tanod, Niratrat sa Harap ng Barangay Hall; 47-anyos na Dalaga, Pinagbabaril Habang Nakatambay, Patay

Nagtamo ng mga tama ng bala ng kwarenta’y singkong baril sa kanyang braso, hita, at bewang ang hepe ng tanod ng ratratin sa tapat ng barangay hall ng Pinagpanaan, bayan ng Talavera.

Kinilala ang biktimang si Alberto Mudlong y Manalili, singkwenta’y dos anyos, residente ng naturang barangay at bayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas otso bente ng umaga habang habang nakaupo ang biktima sa kanyang motorsiklo sa harap ng barangay hall ng palihim na pumasok sa gate ng barangay hall ang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Matapos maisagawa ang krimen, kaswal na naglakad palayo sa pinangyarihan ng insidente ang suspek samantalang ang biktima ay itinakbo sa pagamutan.

San Antonio- Patay ang isang kwarenta’y syete anyos na dalaga makaraang pagbabarilin habang nakatambay sa harap ng isang bahay sa barangay Tikiw, bayan ng San Antonio.

Kinilala ang biktimang kaagad na binawian ng buhay na si Elenita de Guzman y Reyes, residente ng barangay H. Concepcion, Cabanatuan City.

Ayon sa imbestigasyon ng San Antonio Police Station, dakong alas sais kwarenta ng gabi habang nakatambay sa harap ng bahay ng mga Rivera ang biktima kasama sina Maria Carmela Abel at Caoile at hinihintay si Romero Rivera alyas Pate ng dumating ang hindi nakilalang suspek na nakasuot ng itim na jacket at bigla na lamang pinagbabaril ng maraming beses ang biktima.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang apat na fired cartridge cases, dalawang deformed slug ng kwarenta’y singkong baril.- Ulat ni  Clariza de Guzman