MGA KATOLIKONG NOVO ECIJANO, DUMAGSA SA MGA SIMBAHAN PARA GUNITAIN ANG ASH WEDNESDAY O MIERCOLES DE CENIZA

Alas-sais pa lang ng umaga kahapon ay dumagsa na ang mga katoliko sa mga simbahan kabilang na ang St. Nicholas Cathedral sa Cabanatuan City, upang gunitain ang Ash Wednesday o Miercoles de Ceniza.

Ang miyerkoles ng abo ay ang araw na pinapahiran ng abo sa noo ang mga mananampalatayang katolikong pilipino bilang hudyat ng pagbubukas ng panahon ng kuwaresma o lenten season.

Gaya ng nakagawian, pumipila ang mga deboto upang magpalagay ng markang krus sa noo gamit ang abo na mula sa sinunog na palaspas at holy water.

Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng tradisyong ito ng mga katoliko?

Bukod sa pagpapaalala na ang buhay ng tao ay hindi permanente sa mundo, ayon kay Reverend Father Mario Holmina ng OSJ o Oblates of Saint Joseph, ang tunay na kahulugan o sentro ng paggunita ng Miercoles de Ceniza ay ang pagbabalik-loob o pagbabagong buhay.

Kadalasang isinasagawa ang pagpapahid ng abo sa noo matapos ang homiliya ng pari sa misa. Pinaka-mahalaga raw kasi na maintindihan ng mga katoliko ang tunay na kahulugan ng tradisyong ito.

Sa pagsisimula ng kuwaresma, bukod sa pagsisisi ay hinihikayat rin ang mga kristiyano na mag-ayuno at magsakripisyo bilang paglilinis umano ng espiritu ng tao.

Ngunit hindi naman daw ito sapilitan lalong lalo na sa mga may sakit.

Samantala, sa paggunita ng ash wednesday, isang mensahe ang iniwan ni father mario sa mga katolikong novo ecijano.- ULAT NI JANINE REYES