ISANG BINATLYO, PINAKILIG ANG KANYANG GF NOONG VALENTINE’S DAY

 

Isang dalagitang may hawak ng bouquet ng bulaklak, isang binatilyo sa tabi nito at walong mga kabataang lalaki na may hawak ng placards na may nakasulat na I love you.

Ito ang eksenang aming nasaksihan noong sabado, araw mismo ng mga puso sa tapat ng isang computer shop sa lungsod ng Cabanatuan.

Sa aming pag-usisa, hindi pa pala roon natatapos ang surpresa para sa dalagita dahil hanggang sa isang bakanteng kwartong ito ay punung-puno rin  ng mga larawan ng dalawa at mga mensaheng nagpapahayag ng pagmamahal.

Ang binata’t dalagang ito ay sina Keeri at Jhilene kapwa katorse anyos at apat na buwan ng magkasintahan.

Kwento ng binatilyong si Keeri na siyang nasa likod ng surpresa, pangbawi niya umano ito sa kaniyang girlfriend na si Jhilene.

Gulat man at hindi halos makapagsalita sa kaniyang natanggap na surpresa si Jhilene, hindi niya raw ito malilimutan lalo pa nga’t galing ito sa kaniyang special someone.

Samantala, suportado naman ni Daddy Jayson ang kaniyang step son na si Keeri  na tumulong pa sa pagsurpresa kay Jhilene.

At bagaman hindi kasama ni Keeri ang kaniyang ina na nakabase na sa Japan, buo rin umano ang suporta nito sa relasyon ng dalawa gayundin ang mga magulang ni Jhilene.

Kaya naman, lubos ang pasasalamat nina Keeri at Jhilene sa kani-kanilang mga magulang sa tiwala at pagmamahal na ibinibigay ng mga ito sa kanila.

May payo rin ang dalawa sa mga kapwa nila kabataan at si Daddy Jayson sa kapwa naman niya magulang.- Ulat ni Mary Joy Perez