“’70’s HITS”, BUMIDA SA 6TH ANNIVERSARY CELEBRATION NG SAMAKAPA-ZARAGOZA

Bumida ang temang dekada sitenta o 70’s hits sa isinagawang SAMAKAPA Dance Competition 2015 sa bayan ng Zaragoza bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-anim na anibersaryo ng “samahan ng kababaihan tungo sa tunay na pagbabago” o samakapa noong nakaraang Martes, February 10.

Ayon kay Emma Arzanan, isa sa Board of Directors ng SAMAKAPA-Zaragoza, layunin ng pagdiriwang na magkaroon ng pagkakaisa ang lahat ng mga kababaihan sa kanilang bayan.

Sa isinagawang kompetisyon, nagpatalbugan sa pag-indak ang labingwalong grupo mula sa iba’t ibang barangay sa saliw ng mga musikang nauso noong dekada sitenta.

Bukod pa nsa mga ipinakitang 70’s dance moves, kinaaliwan rin ng mga manonood ang mga costumes at props na talaga namang hinangaan at naglarawan kung gaano kasaya ang disco mania noong 1970’s.

Ngunit sa lahat ng mga kalahok, pinaka-nangibabaw ang Sta.Cruz Dance Troupe sa kompetisyon.

Nakuha ng naturang grupo ang atensyon ng mga hurado at manonood dahil sa kanilang mahusay na routines at kakaibang mga pakulo dahilan upang sila ang tanghalin bilang best in costume at 2015 SAMAKAPA-Zaragoza dance competition champion.

Nakamit naman ng Barangay Carmen ang ikalawang pwesto habang 3rd place naman ang Barangay Concepcion.

Dahil dito, labis ang pasasalamat ng buong samahan at ng lahat ng mga taga-Zaragoza sa walang sawang suportang ibinibigay ng butihing kongresista ng ikatlong distrito ng Nueva Ecija.

Samantala, bukod pa sa cash prizes na magmumula sa Municipal Government at kay Mayor Lally Belmonte, nagbigay rin ng karagdagang php 20,000.00 si Congresswoman Cherry Umali  na ibinigay sa labingwalong barangay bilang consolation prize.- Ulat ni Janine Reyes