100 MANGGAGAWANG BUKID NA APEKTADO NG “HALIMAW”, KINALAMPAG ANG PAMAHALAANG LOKAL NG GUIMBA; MAYOR BOYITO DIZON, HUMARAP AT NAKIPAG-DIALOGUE

Nawalan na umano ng hanap-buhay ang mga manggagawang bukid sa bayan ng Guimba simula ng payagang pumasok ang “halimaw” na reaper/ harvester sa mga barangay.

Kaya naman hindi na napigilan ng mga manggagawang bukid na dumaing at humingi ng tulong sa Pamahalaang Lokal.

Hindi naman sila binigo ni Mayor Boyito Dizon na nagpaunlak at hinarap sila sa isang dialogue.

Ayon sa Liga ng Manggagawang Bukid sa Guimba, malayang nakakapasok sa mga barangay ang reaper/ harvester dahil nagbibigay ng permit ang munisipyo.

Paliwanag ni Mayor Dizon, ipinapahuli naman niya ang mga pumapasok na reaper ngunit bumabalik din daw ang mga ito dahil ang mga may-ari ng lupa ang nagpapapasok.

Matapos marinig ang hinanaing ng mga manggagawang bukid ay nangako ang alkalde na aaksyunan ang nasabing problema na sisimulan niya sa pagre-review sa nasabing ordinansa upang maipatupad ito ng maayos.

Hinamon ni Dizon ang mga apektado ng halimaw na organisahin ang mga lehitimong manggagapas upang makapagtayo ng kooperatiba at mabigyan ng livelihood program ng pamahalaang local.

Hinikayat rin niya ang mga manggagawang bukid na makipagtulungan maging sa mga kapitan at pulis upang masolusyunan na ang nasabing problema.- Ulat ni Clariza De Guzman