MGA SENIOR CITIZENS, NAPAGKALOOBAN NG LIBRENG EXECUTIVE CHECK-UP

Si Aling Perpetua, 84 anyos na. Bagaman, marami na siyang nararamdaman na sakit sa kanyang katawan dala ng kanyang edad ay nahihirapan pa rin siyang regular na magpatingin sa duktor, dahil sa kakulangan sa pera. Lalo na, madalas nang sumu-sumpong ang sakit niyang Diabetes.

Kaya naman, tuwang tuwa siya ng mabalitaan na mayroong Libreng Executive Check-up ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mga katulad niyang Senior Citizen.

Isa lamang si Aling Perpetua, sa napagkalooban ng Libreng Executive Check-up ng Pamahalaang Panlalawigan, katuwang sina 3rd district Congw. Cherry Umali at dating Board Member Doc Anthony Umali, para sa mga Senior Citizen ng Barangay Daang Sarile at Barangay Camp Tinio, Cabanatuan City.

Ayon kay Tina Wycoco, hindi matatapos ang serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan sa Libreng Check-up lang. Dahil, ito umano ay tuloy-tuloy na programa para sa lahat ng Cabanatueño.

Sakop ng Executive Check-up ay ang mga laboratory examinations at medical check-up, katulad ng urinalysis, fecalysis, blood sugar, xray, ecg at marami pang iba.

Kaya’t, lubos ang naging pasasalamat ng mga napagkalooban ng Libreng check-up.

Ayon pa kay Wycoco, simula pa lamang ito. Dahil kapag naglaon, ay bubuksan na rin ang programa sa lahat ng mamamayan na nagnanais na magpasuri ng kanilang kalusugan.

Ang mga nagnanais na magpasuri ay maaaring magpalista sa mga nakatalagang focal persons sa bawat barangay ng lungsod.- Ulat ni Danira Gabriel