MAHIGIT 100 SIKLISTA, LUMAHOK SA TRANGKO ECIJANO SA PARCUTELA, GAPAN CITY

Todo bigay sa pagpedal at pagalingan sa pagdiskarte ang  mga siklistang lumahok sa Trangko Ecijano sa kauna-unahang taon nang pagsikad nito sa Nueva Ecija.

Ang Trangko Ecijano ay isang local cycling na inihandog ni Michael Tampengco sa mga siklista sa kanyang espesyal na araw.

Mahigit isang daang siklista ang lumahok sa nasabing kompetisyon.

Hindi lamang mga Novo Ecijano ang lumahok kundi pati na rin ang iba’t ibang lugar tulad ng Bulacan, Las Piñas, Pangasinan, Tarlac, at Manila.

Tatlong kategorya ang inilaan para sa mga siklista. Ito ay ang Novice para sa 20 years old pababa, Junior para sa 21 to 44 years old at Senior para sa 45 years old pataas.

Halos animnapung kilometro ang tinahak ng mga siklista sa Senior Category, at 40 kilometers sa Novice at Junior Category.

Apat na barangay ang inikutan ng mga ito mula sa Parcutela, Mangga, Tabon, at Pulo sa bayan ng San Isidro.

Tulad na lamang ni Edgardo Gregorio na labinglimang taon ng sumasali sa ganitong kompetisyon ay masaya sa kanyang pagkapanalo.

Hiling naman ni Marcelo Felipe na sana ay maulit pang muli ang ganitong palaro para sa kanilang mga siklista.

Umabot sa Php 65,000 ang kabuuang halaga ng papremyo na naibigay sa mga nagwagi.

Samantala, dalawang minor injuries naman ang naitalang nasugatan sa kompetisyon na agad na inaksyunan ng Medical Team.- Ulat ni Shane Tolentino