MAYOR “BLUE BOY” ABESAMIS NG PEÑARANDA, NANUMPA BILANG CO-CHAIRMAN NG PAMPANGA RIVER BASIN COMMITTEE

Kinumpirma na ng RDC 3 ang resolusyon ni Pampanga River Basin Committee Chair Governor Aurelio Umali na nagi-endorso kay League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija Chapter President Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis bilang Co-chairman ng nasabing komite.

Kasabay ng iba pang Chairpersons at Co-chairpersons ng mga Sectoral Committee ng RDC 3 ay nanumpa na sa kanyang bagong katungkulan si Mayor “Blue Boy” Abesamis sa harap ni Department of Justice Secretary Leila de Lima.

Nahirang na Co-chairman ni Governor Oyie Umali sa PRBC si Mayor Blue Boy Abesamis sa pamamagitan ng natanggap nitong unanimous vote mula sa lahat ng miyembro ng naturang komite.

Inindorso ni Governor Umali si Mayor Abesamis kasunod ng approval ng nauna niyang resolusyon na palawakin ang membership ng PRBC sa pamamagitan ng pagdaragdag ng Manila Bay Coordinating Office at LMP-NE.

Layunin nito na mapagbuti pa ang kakayahan ng komite sa pagtugon sa mga isyu at mapaghusay pa ang paglilingkod nito.

Binuo ng RDC 3 ang PRBC upang matugunan ang mga kritikal na isyung pangkalikasan na nakakaapekto sa Pampanga River Basin at upang mapakinabangan ang mga likas na yaman nito.

Ang PRBC ay ang regional body na pangunahing nagtitiyak ng pagpapatupad ng mga stratehiya sa ilalim ng IWRM o Integrated Water Resources Management para sa Pampanga River Basin.

Ang Pampanga River ay ang ikalawang pinakamalaking ilog sa Luzon, kasunod ng Cagayan River at pangatlong pinakamalaking ilog ngunit pinakamahalaga sa bansa.

Matatagpuan ito sa Central Luzon na bumabagtas sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, at Nueva Ecija.- Ulat ni Clariza De Guzman