KUYANG UMAWAT SA AWAY NG KAPATID, PINALO SA ULO, SUGATAN; BANGKAY NG LALAKI, NATAGPUANG NAKABIGTI

Cabanatuan City- Sugatan ang isang lalaki matapos paluin sa ulo ng nakaalitan ng kanyang kapatid.

Kinilala ang biktimang si Danilo Campos y Ravana, kwarenta’y singko anyos, residente ng Villaluz Subdivision barangay Mabini Homesite, Cabanatuan City samantala ang suspek na kabarangay ng biktima ay kinilalang si Precioso Aromin y Nuñez ng Block 8, Lot 1, Efren St. ng naturang subdivision.

Base sa ulat, nagkainitan habang nagtatalo ang suspek at kapatid ng biktima na si Jerry Campos.

Umawat ang biktima ngunit bigla na lamang bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang magkapatid.

Bago tumakas ay hinambalos muna ng suspek sa ulo ang pinagbalingang biktima.

Palayan City- Nakabitin sa isang puno ang natagpuang bangkay ng isang lalaki sa lungsod ng Palayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan nina Patrick Ramos at Rogelio Enriquez sa sitio Tablang ng nasabing lungsod ang wala ng buhay na katawan ng hindi nakilalang lalaki na nakabigti ng isang nylon cord sa puno ng bulak.

Tinatayang nasa edad singkwenta hanggang singkwenta’y singko ang lalaki, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 167 centimeters, nakasuot ng brown t-shirt na may blue stripe, at maong na pantalon.

Pansamantalang inilagak sa Abesamis Funeral Parlor sa Palayan City ang labi ng biktima.- Ulat ni Clariza De Guzman