Gandang Novo Ecijana: Odessa Mae Tadaya

Kinilala bilang pride ng Nueva Ecija ang naging pambato ng bansang Pilipinas na si Odessa Mae Tadaya, tubong Guimba, na nanalo bilang Miss Heritage 2014.

Unang nakilala si Odessa noong taong 2012 sa patimpalak na Miss Guimba kung saan nai-uwi nito ang korona. Nasungkit naman nito ang 3rd place sa Miss Nueva Ecija, noong taon ding iyon.

Sa Africa ay iwinagayway ni Odessa ang bandila ng Pilipinas kung saan nagwagi ito bilang Miss Heritage 2014.

Bata pa lamang ay hilig na ni Odessa ang pagsali sa mga beauty contest at sa edad na labing siyam ay patuloy ang pangarap niya sa pagiging beauty queen, tatapusin muna niya ang kanyang pag-aaral sa Kolehiyo, at paglipas ng tatlo o apat na taon ay sasabak muli ito upang lumaban sa Binibining Pilipinas.

Malawak at hindi pa masukat sa ngayon ang pangarap ni Odessa, na magpapatuloy pa sa pagdaan ng mga panahon. Matigil man siya pansamantala sa pagsali sa mga patimpalak, hindi doon natitigil ang pangangarap nito na maging sikat at kilalanin bilang Binibining Pilipinas.