PAGTATAAS NG SINGIL SA AMILYAR SA CABANATUAN, PINAG-AARALAN NG PROV’L LEGAL OFFICE

Pinag-aaralan sa kasalukuyan ng Provincial Legal Office ng Nueva Ecija ang ordinance number 037-2014 o ang revision of schedule of fair market values ng real properties sa Cabanatuan City.

Hiningi ng Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ni SP Secretary Ranier Esguerra ang opinion ng legal office kaugnay sa nasabing ordinansa.

Ayon kay Atty. Ricardo Atayde Jr., isa sa mga gawain ng Tanggapan ng Panlalawigang Pambatas ang magbigay ng legal na opinion sa mga ordinansa at resolusyon na ipinapasa sa Sangguniang Panlalawigan.

Isa sa mga nakita ng PLO na kakulangan ng ordinance number 037-2014 ay hindi ito nai-publish sa pahayagan na isa sa mga requirements kapag nagpapasa ng isang ordinansa.

Paliwanag ni Atty. Atayde, hindi maaaring ipatupad ang isang ordinansa hangga’t hindi ito naipapalathala kasama ang iba pang mahahalagang detalye na dapat makaabot sa kaalaman ng mamamayan.

Makaraang ibaba ng PLO ang kanilang opinion na may petsang August 18, 2014 kaugnay sa nasabing usapin ay ibinalik ng Sangguniang Panlalawigan sa Sangguniang Panlungsod ang naturang ordinansa.

November 6, 2014 nag-sumite ng certification of publication ng ordinance number 037-2014 ang Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa Sangguniang Panlalawigan galing sa Dahong Palay (Pahayagang Pilipino) na may petsang September 28, 2014, October 5 at 12, 2014.

Na-endorso ng muli ng Sangguniang Panlalawigan sa legal office ang ibinigay ng Sangguniang Panlungsod na sertipikasyon ng publication ng ordinansa at kasalukuyang nire-review.- Ulat ni Clariza De Guzman