CES 7, Nagsasagawa ng Medical at Dental Mission sa mga Bayan ng Guimba, Cuyapo, at Nampicuan

Nagsasagawa sa kasalukuyan ng limang araw na Medical at Dental Mission ang Charitable Endowment Support 7 sa mga bayan ng Guimba, Cuyapo at Nampicuan katuwang ang Radyo Natin-Guimba, Community-Based Health Program, Lokal na Pamahalaan, at mga pribadong indibidwal.

Ang Charitable Endowment Support ay isang grupo mula sa Estados Unidos na karamihan sa mga miyembro ay mga Pilipino na nais makatulong sa kapwa.

Dalawang beses umano sa loob ng isang taon ginagawa ng CES 7 ang kanilang mga mission sa buong mundo.

Ngayong taon, napili ng grupo na tulungan ang mga Novo Ecijano sa pamamagitan ng paglalaan ng mga gamot para sa medical at dental mission.

Aabot sa dalawanlibong pasyente mula sa dalawampo at limang barangay ang mabibigyan ng libreng serbisyong medical at dental.

Pinili umano ang mga pinaka mahihirap at mga manggagawang bukid bilang benepisyaryo ng nasabing mission.

Sinimulan noong January 12, 2015 ang medical at dental mission na magtatapos hanggang January 16, 2015.- Ulat ni Clariza De Guzman