65-ANYOS NA LALAKI, NATAGPUANG BANGKAY SA LOOB NG BANYO; MAG-AAMA, PINAGBABARIL; 1 PATAY

Gapan City- Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan  sa loob ng kanyang sariling bahay sa Barangay  Bayanihan sa Lungsod Ng Gapan.

Kinilala ang biktimang si Antonio Malgapo, sisenta’y singko anyos, may asawa.

Nadiskubre na lamang na nakahandusay at wala ng buhay ang biktima sa loob ng banyo.

Ayon sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya at SOCO, wala namang nakitang palatandaan ng foul play sa bangkay ng biktima.

San Isidro- Patay ang isang haligi ng tahanan matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.

Himala namang nakaligtas sa kamatayan ang kanyang dalawang anak na lalaki na nakasakay sa kanyang minamanehong tricycle.

Kinilala ang mag-aamang biktima na sina Reymundo Anselmo, kwarenta’y tres anyos, Jonathan Anselmo, bente uno anyos, at Jerrick Anselmo, disisiete anyos, kapwa residente ng barangay San Nicolas, Gapan City.

Base sa imbestigasyon ng otoridad, tinatahak ng mag-aama ang NIA Road lulan ng tricycle sa Barangay Malapit, bayan ng San Isidro ng barilin ng sunud-sunod ng suspek na nakasuot ng helmet at armado ng kalibre kwarenta’y singkong pistola.

Bunga ng pamamaril ay nalihis ng daanan ang tricycle at nalaglag sa bukid. Kaagad na sumunod ang suspek at muling pinagbabaril ang mga biktima.

Makaraang maisagawa ang krimen ay mabilis na sumakay ang suspek sa isang Honda XRM na kulay itim at pula na nakaparada malapit sa pinangyarihan ng krimen. – Ulat ni Clariza De Guzman