26 PAMILYA SA LUNGSOD NG GAPAN, NAWALAN NG TAHANAN DAHIL SA SUNOG; GOV. OYIE AT CONGW. CHERRY, NAG-ABOT NG TULONG

Tinupok ng apoy ang kabahayan ng 26 pamilya sa Sitio Riles Barangay San Vicente Lungsod ng Gapan, kamakailan, kung saan isang apat na taong gulang ang kumpirmadong patay.

Naganap ang sunog dakong alas tres y medya ng hapon, na nagmula sa napaglaruang posporo ng biktima na tumupok sa kabahayan ng 26 pamilya at sa kanya.

Kwento ni Aling Marita Santos, kamag-anak ng biktima, nang sumiklab ang apoy sa bahaging itaas ng kanilang tahanan ay agad na silang lumabas ng bahay ngunit hindi nakita ang biktima na naiwan pala sa kwarto kung saan nagmula ang sunog.

Nang maapula na ang apoy dakong alas sais ng hapon, ay natagpuan ang sunog nang bangkay ng biktima na nagsumiksik sa gilid na hindi na nagawang makasigaw dahil sa sobrang takot.

Sa kabila ng sakit na nadama ng pamilya ng biktima at 25 pang pamilyang nasunugan sa naturang lugar ay nabigyan sila ng dahilan upang makangiting muli at mabuhay nang may bagong pag-asa sa mga puso.

Sa pangunguna ng ina ng Lalawigan ng Nueva Ecija, Congresswoman Cherry Domingo Umali, ay naipamahagi sa 26 pamilyang nasunugan ang mga materyales para sa pagpapatayo ng bagong bahay at cash para sa pagsisimulang muli.

Hindi man kayang bayaran ng anumang halaga ang isang buhay na nawala ay kahit papaano naman ay nabigyan muli sila ng pagkakataong magpatuloy sa buhay.

Lumuluha habang nagkukwento ang ilan sa sinapit ng kanilang buhay kasabay ang pagpatak ng mga luha dahil sa kasiyahang kanilang nadama dahil sa mabuting kalooban ni Congw. Cherry na sila’y tulungang muling makabangon.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga biktima ng sunog sa pagbibigay sa kanila ng tulong at pagmamalasakit nina Governor Aurelio Matias Umali at Congresswoman Cherry Umali, at sa pangakong hindi sila pababayaan ng mga ito.

 

Nagbigay naman ng panawagan sa lahat ang kapitan ng Barangay na si Punong Barangay Donald Baloloy na mabuting bantayan ang inyong mga anak upang maiwasan ang ganitong klase ng trahedya. – Ulat ni Philip “Dobol P” Piccio