PATOK PUNTAHAN: Red Pin Resto + Gelato

Sino nga ba naman ang mag-aakalang isang authentic na gelato o Italian ice cream ang tila bigla na lang sumulpot sa isang gas station sa Cabanatuan? Heto ang isa lamang sa mga sorpresang naghihintay sa Red Pin, na nagsilbing kitchen playground ni Big Daddy o Robert Bucy, isang Texan chef na naging close family friend ng pamilya ni Cerissa Cecilio-Soto, at nabighani sa ganda ng Cabanatuan.

Ang gelato ay ang mas makrema at mas flavorful na bersyon ng tipikal na ice cream na kinalakihan nating mga Pilipino. Sa Red Pin, hindi basta-bastang gelato ang matitikman mo dahil tunay sa prosesong sinusundan ng Italy ang paggawa dito ni Chef Big Daddy. Limitado rin ang dami na hinahanda ng Red Pin araw-araw para siguraduhing fresh at high quality ang mga gelato nito.

Pero hindi dapat mag-alala sa presyo dahil isa ito sa mga sorpresa ng Red Pin. Sa katunayan, magugulat ka sa affordable na presyo ng mga mabibili sa RedPin lalo na pagkahain sa iyo ng mga ito at pagtikim sa bawat putahe. Bukod kasi sa laki ng serving ng mga pagkain dito ay panalo talaga sa panlasa nating mga Pinoy ang mga sorpresang naghihintay sa Red Pin.

Isa sa mga paboritong flavor ng Cabanatueno ang pistachio pero highly recommended din ang chocolate at hazelnut nila. May mga walo hanggang sampung flavors sila na hinahanda kaya hindi ka mauubusan ng pagpipilian. Ang masasabi lang namin, lahat ng flavors nila ay produkto ng mabusising paghahanda at pagmamahal kaya kahit nakapikit ka pa sa pagpili, siguradong masasarapan ka sa flavor na makukuha mo. Puwede ring dalawang flavors agad para may variety.

Dahil tubong Texas si Big Daddy, isa sa mga specialty niya ang baby-back ribs na popular na lutuin sa Texas. Isa rin ito sa mga bestsellers sa Red Pin at hindi naman nakakagulat dahil makapigil-hininga ang bawat pagkagat sa rich smoked hickory na sarap nito.

Pero kung medyo nagmamadali ka pagkatapos magpa-gas sa katabing istasyon nito, huwag kalimutang orderin ang kahit ano sa mga sandwiches nila, lalo na ang tuna sandwich. Pero kung may ka-date ka o kasama mo ang pamilya o barkada, mayroon din silang mga pasta choices (huwag kaligtaan ang seafood at shrimp pasta), bukod sa iba pang patok na meal choices, kid’s meal at ilang mga putaheng nabanggit na.

Kaya kung ang hanap mo ay:

  1. Gelato o Italian ice cream na patok sa lasa at presyo. Check!
  2. Pasta at sandwiches na panalo sa lasa at bulsa. Check pa rin!
  3. Texas-style baby-back ribs na hindi mo makakalimutan sa sarap. Check na check!

Pero ang pinaka-patok sa Red Pin ay si Big Daddy. Bukod sa pagkadalubhasa niya sa kusina pagkatapos maging chef sa army at sa barko, marami pang sorpresang ipatitikim si Big Daddy sa mga parokyano ng Red Pin na hindi lamang world-class kundi budget-friendly pa.

 

Para sa karagdagang kaalaman:

Red Pin Gelato + Pasta

Bantug Caltex Station Aurora Road

Bantug Norte Cabanatuan City

Contact Nos.: (044) 4630399

Mobile: 0920 969 1044, 0925 515 1044

Email: redpin.12@hotmail.com