PAGDIRIWANG NG KAPISTAHAN NG TATLONG HARI, DINAGSA NG MGA DEBOTO

Dumagsa ang daan-daang deboto ng tatlong hari mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ng Nueva Ecija sa pagdiriwang ng kapistahan ng tatlong pantas o hari na ginanap sa Lungsod ng Gapan.

Malaki raw kasi ang paniniwala ng mga deboto na nagmimilagro ang tatlong hari at ang mga ito ang maglalapit sa mga deboto sa Panginoon upang maibigay ang kanilang mga kahilingan, tulad ng magandang kalusugan, magandang ani, at mailayo sa anumang sakuna at kalamidad.

Ayon kay Parish Pastoral Council Chairman Aurea Gotopeng, dinarayo ang Simbahang The National Shrine of La Virgen Divina Pastora o tinatawag ding 3 Kings Parish Church upang magsimba at humiling dahil sa paniniwala ng mga deboto na anumang hilingin nila dito ay matutupad.

Paliwanag nito, napakahalaga ng pagdiriwang ng tatlong hari dahil hindi aniya kompleto ang pagdiriwang ng pasko kung wala ang tatlong hari na siyang sumunod sa liwanag ng tala patungo sa bagong silang na si Jesus.

Ang tala kasi aniya ay sumasagisag sa liwanag na nagmumula kay Kristo na siyang nagbibigay buhay.

Isa naman sa mga batang deboto ang labing tatlong taong gulang na si Francis Valleriano, na pitong taon na ring deboto ng tatlong hari, dahil sa paniniwalang nagmimilagro nga ang mga ito dahil natupad aniya ang kaniyang munting kahilingan na magkaroon ng masaganang buhay.

Isa din si Brother Leo Tionco, miyembro ng Knights of Virgen Divina Pastora, na niniwala sa milagrong dala ng tatlong hari na nagligtas sa kanila noong panahong nabagsakan ng bomba ang Gapan.

Mula pagkabata naman ay deboto na ng tatlong hari si Aling Lilia Atayde, na nagmula pa sa bayan ng San Leonardo, na naniniwalang patuloy silang susubaybayan sa kanilang buhay ng Panginoon sa pamamagitan ng tatlong hari.

Naniniwala ang mga deboto na anumang bagay ang nais gawin o makamit sa buhay ay maaaring maabot at matupad kung sasamahan ng taos pusong pagdarasal.- Ulat ni Shane Tolentino