BINATA, SINAKSAK NG DAYONG KAINUMAN, DEDO; APARTMENT, NIRANSAK; PHP 30K HALAGA NG APPLIANCES, NATANGAY

Dead on arrival sa ospital ang isang binata matapos saksakin ng nakaalitan nitong kainuman kamakalawa sa lungsod ng Palayan.

Kinilala ang biktimang si Jonathan jimenez, bente tres anyos,residente ng Pag-ibig Sitio Tablang, Barangay Atate sa naturang lungsod.

Habang ang suspek na tumakas makaraang maisagawa ang krimen ay kinilalang si Armando Portana y Peria alyas Andres, kwarenta’y nueve anyos, residente ng Barangay Pantoc, bayan ng Aliaga.

Ayon sa salaysay ng ina ng biktima, dayo lamang sa kanilang lugar ang suspek na niyayang makipag-inuman sa kanilang tahanan.

Nananawagan ang pamilya ng biktima sa kung sinuman ang nakakaalam ng kinaroroonan ng suspek ay mangyaring ipagbigay-alam agad ito sa mga otoridad.

Niransak ng hindi nakilalang suspek o kawatan ang door number 10 ng 3rd floor ng Deocares Apartment sa Victoria Mansions sa Barangay Bitas, Cabanatuan City na inuokopahan ni Ma. Elena Ignacio.

Base sa imbestigasyon ng Cabanatuan City Police at SOCO, nakapasok ang mga suspek sa pamamagitan ng pwersahang pagbubukas sa sliding window kung saan abot-kamay lang ang pintuan ng apartment na mano-manong binuksan.

Natangay ng mga kawatan ang mga appliances na nagkakahalaga ng mahigit kumulang tatlumpong libong piso. – Ulat ni Clariza De Guzman