Novo Ecijano pride Miss Philippine Heritage Odessa Mae Tadaya, pumarada sa Bayan ng Guimba

Pumarada kamakailan ang pambato ng bansang Pilipinas at ipinagmamalaki ng Bayan ng Guimba at ng Lalawigan ng Nueva Ecija, si Miss Heritage 2014 Odessa Mae Tadaya, sa Bayan ng Guimba.

Sakay ng isang magarbong sasakyan na punong puno ng mga bulaklak at iba’t ibang palamuti ay pinarada ng may pagmamalaki at ngiti sa mga labi si Odessa.

Nagsimula ang parada sa harap ng Plaza ng Guimba, kasama ang isang musikerong banda at kasama ang mga kaibigan, supporters at ilang mga kamag-anak nitong super proud sa kanya.

Matapos ang parada ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga taga hanga ni Odessa upang makapag-papicture sa kanya sa harap ng munisipyo ng Bayan ng Guimba.

Lubos naman ang pasasalamat ni Odessa sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa kanyang pamilya na sumuporta at naniwala sa kanya, sa pag-abot niya sa kanyang pangarap na maging isang beauty queen.

Bilang pangatlo sa apat na magkakapatid siya lamang aniya ang nahilig at nangarap na makasali at manalo sa isang beauty pageant, dahil bata pa lamang aniya siya ay ito na ang kanyang pangarap.

Si Odessa ay tubong Guimba, na nanalong Miss Guimba taong 2012 at nilaban sa taon ding iyon sa Binibining Nueva Ecija, at pinalad na manalo noong isang taon bilang Miss Heritage sa Africa.

Sa edad na labing siyam, patuloy ang pangarap ni Odessa sa pagiging beauty queen, tatapusin muna niya ang kanyang pag-aaral sa Kolehiyo, at paglipas ng tatlo o apat na taon ay sasabak muli ito upang lumaban sa Binibining Pilipinas.