GOV. OYIE, NAMANGHA SA MGA OBRA NI EDMUN WONG

Namangha ang ama ng lalawigan na si Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali sa mga obra ng kababayan at kaibigang si Edmun Wong na ibinandera sa SMS o Siera Madre Suits sa lungsod ng Palayan.

Inisa-isa ng gobernador ang mga likha ni Wong na tinawag niyang obra ni Kuya na talaga namang buhay na buhay at tila totoong totoo dahil sa galing sa pagguhit ng mga kamay nito.

Noong 2012, bumida ang obra ni Wong sa 2012 UST Alumni Painting Exhibition. Iyon ang kauna-unahang pagsali ni Wong sa isang art exhibit, agad namang nabili ang kaniyang painting at sa halagang hindi niya inakala.

Dito na nagsimula muling mahilig ang pintor sa pagpipinta hanggang sa nabuo niya at naipon ang mga painting na ito na ibinandera niya sa SMS.

Si Edmun Wong ay isang visual artist, industrial designer at negosyante na tubong Cabanatuan, Nueva ecija.

Nagtapos si Wong sa UST o University of Sto. Tomas kung saan siya nag-aral at kumuha ng Fine Arts, major in Industrial Design.

Nagsimula umanong mahilig sa pagguhit si Wong noong walong taon pa lamang siya at mula noon, isang pangarap na ang binuo niya sa kaniyang isip, ang maging isang magaling na pintor.

Hindi raw naging madali kay Wong ang pag-abot sa kung anu man siya ngayon dahil dumating sa puntong nagkaroon siya ng depresyon bunsod ng isang pangyayari noong siya ay nasa high school.

Ilan sa mga ipinagmamalaki ni Wong ang painting na ito na nagkakahalaga ng P60,000 bawat isa.

 

Nariyan rin ang Mano Po, Fountains at iba pa. Lumutang naman sa paningin ni gov. Oyie ang isang ito na sumisimbolo sa kanilang kapatiran o samahan.

Samantala, dagdag pa ni Wong hindi man daw madali ang larangang pinasok niya, dito naman umano niya nahanap ang tunay na saya at ligaya na kaniyang nadarama ngayon. – ULAT NI MARY JOY PEREZ