SIKAT NA BANDANG FREESTYLE, NAKIISA SA CHRISTMAS PARTY NG KAPITOLYO

Nakiisa sa kasiyahan ang sikat na bandang freestyle na nag-mini-concert sa ginanap na Christmas Party ng Provincial Government of Nueva Ecija, kahapon, na ginanap sa Nueva Ecija Convention Center.

Dinaluhan ng mga kawani ng lalawigan mula sa iba’t ibang ahensya at departamento ang nasabing kasiyahan na nakisayaw at nakikanta sa bandang Freestyle.

Naroon din sa pagtitipon ang ama ng lalawigan Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali at Vice Governor GP Padiernos na nakipag-duet sa kantahan kasama ang bokalista ng bandang Freestyle, maging ang ina ng lalawigan, Congresswoman Cherry Umali ay nakisaya din.

Sa talumpati ni Governor Umali sinabi nito na ang pasko ay para sa lahat, tayo ay pantay-pantay sa karapatang magpasko, may kasalanan man, may mga pagsubok man sa buhay, tayo ay binibigyang pagkakataong magpasko.

Binalik tanaw naman ng Gobernador ang dating itsura ng kinatatayuan ngayon ng bagong kapitolyo, na kung noon ay isa lamang itong bukid na puno ng mga damo at kinalulugaran ng mga kalabaw, ngayon ay isa ng maipagmamalaking kapitolyo.

Ipinagmalaki pa ng gobernador ang nalalapit na pagpapatayo ng Business Hub sa Palayan City na magbibigay ng butil ng pag-asa para sa mga Novo Ecijano, na kinonsidera nito bilang pamaskong handog para sa mga Novo Ecijano.

Sa kanyang mensahe sinabi nito na mawala man siya nariyan pa rin ang isang magandang kapalit niyang si Congresswoman Cherry Umali, na may magandang layunin para sa Lalawigan ng Nueva Ecija, at may magandang hangarin para sa mga Novo Ecijano.

Inihalintulad ni Governor Umali ang buhay natin sa mga kaganapan sa ating Lalawigan na kung saan ay may iba-ibang kwento ng Comedy, Action at buhay Artista.

Sinabi naman ni Vice Governor Padiernos sa naturang kasiyahan na labis ang kasiyahan nito sa pagkakaroon ng Christmas party ngayong taon, at aniya ang pasko ay hindi lang para sa mga taga kapitolyo ngunit para sa lahat ng mga taga Nueva Ecija.

Nagtanghal naman ang mga mananayaw na mula sa Bayan ng Rizal, ang Fernando Poe Jr. Kalokalike, mga manggagamot mula sa ELJ Hospital at ang batang mang-aawit na si Nathalie Martinez na umawit ng sarili nitong awiting “Wonders of Music”, upang magbigay aliw sa mga nagsidalo sa Christmas Party.- Ulat ni Shane Tolentino