Mga sundalo, nagpamalas ng galing sa pagkanta sa bayan ng Bongabon

Nagpakitang gilas ang mga sundalo mula sa iba’t ibang units ng Philippine Army sa isang fund racing concert na ginanap sa Bongabon National High School.

Ayon kay Philippine Army Commander Col. Felimon Santos Jr. ng 48ID, inorganisa ng YFP O Youth For Peace ng bayan ng Bongabon ang nasabing concert kasama ang mga sundalo at LGU’s o Local Governemnt Units upang matulungang mabigyan ng pondo ang samahan na siyang gagamitin  para sa mga proyekto ng mga kabataan sa Bongabon.

Buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon ng malipat umano ang grupo ni Col. Santos sa bayan ng Bongabon.

Dito,  bumuo at nagsanay ng mga kabataan ang mga sundalo upang ituro sa mga ito kung ano ang tunay na gampananin o tungkulin ng isang kabataan sa lipunan na tinawag nilang Youth Leadership Summit.

Sinabi rin ni Col. Santos na malaki ang kanilang pasasalamat sa mga tumulong upang maisakatuparan ang concert kabilang na ang ilang mayor mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

Hataw kung hataw sa pagkanta ang mga sundalo mapalalaki man o babae walang tigil sa pagbirit.

Samantala, dagdag pa ni Col. Santos na binabalak nilang ulitin ang concert sa iba pang mga karatig probinsya sa susunod na taon upang matulungan rin ang iba pang samahan ng mga kabataan.

Dumalo rin sa naturang concert ang YFP Bulacan Branch at YFP Aurora Branch upang magbigay suporta sa YFP Bongabon Branch na siyang host ng naturang konsiyerto.- Ulat ni Mary Joy Perez