GPF, nagkaloob ng Livelihood Projects sa mga mahihirap na Novo Ecijano

Muling nagbigay pag-asa sa mga mahihirap na Novo Ecijano ang GPF o Global Peace Foundation sa pamamagitan ng All Lights Village Leadership Conference sa temang “Roadmap to Community Development: Self reliance and Community Resilience” na ginanap sa Old Capitol, Cabanatuan City.

Bukod sa pangunahing layunin ng GPF na mailawan ang mga liblib na lugar na wala pang kuryente, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga solar lamps at solar street lights sa mga maralita. Ngayon, ay pangkabuhayan naman ang pinagsusumikapan ng GPF na maibigay sa mga pamilyang kapos sa pinansyal na pinagkakakitaan.

Katuwang ang pamahalaang panlalawigan, ay iba’t-ibang livelihood projects ang ibinigay na ayuda sa mga mahihirap na barangay sa probinsiya. Katulad ng goat farming, organic fertilizer production, native chicken farming at marami pang iba.

Kabilang ang mga bayan ng Laur, Gabaldon, Carranglan, Llanera, Cabiao, Bongabon, Rizal at lungsod ng Palayan sa mga nabahagian ng programa.

Kaya naman, para sa katulad ni Joel na nakatira sa isang sitio sa bayan ng Bongabon ay malaking tulong para sa kanila na mayroon isang samahan na hindi lamang ninais na mabigyan sila ng liwanag sa kanilang mga tahanan  at kabuhayan para sa kanilang pamilya. Kundi, naramdaman din nila ang tunay na pag kalinga at pagmamahal sa mga katulad nilang kapos sa buhay.

Ang GPF, sa vision nitong “one family under god,” ay isang pandaigdigang kilusan ng peace-builders na nakikipag-ugnayan sa mga gobyerno at mga organisasyon upang ipatupad ang pinagsasaluhang mga prinsipyo, kaugalian, at aspirasyon. Layunin na pagtibayin ang mga pamilya, komunidad at nagsusulong ng isang kultura ng paglilingkod at kapayapaan sa buong daigdig.- Ulat ni Danira Gabriel