PATOK PUNTAHAN: Desserts Chalet

“Gusto naming dalhin yung European café experience sa Cabanatuan at sa Nueva Ecija na hindi naman kailangang gumastos ng sobra. Quality, fresh, home-cooked meals made with love,” panimula ni AJ Mallorca.

Dagdag pa ni Risa de la Cruz: “Gusto rin naming pagpasok mo pa lang sa shop, limot mo na kung nasaan ka talaga dahil pakiramdam mo kahit kakaiba ang napuntahan mo, welcome na welcome ka dito.”

 

Sino nga ba ang mag-aakala na nasa Cabanatuan ka pa rin sa sandaling makita mo na ang napaka-cute na porch ng Desserts Chalet at salubungin ka ng nakakabighaning loob nito. Nangingibabaw ang malinis at puting interiors ng lugar na akala mo’y bigla kang na-transport sa isang French cafe.

Dahil kapaskuhan nang bumisita ang Dobol P sa Desserts Chalet, bumulaga sa amin ang mga nakasabit na disenyong snowflakes at mock ice carvings habang ginigitnaan ng maliliit na topiary at pine cones ang hapag-kainan. Winter wonderland ang ambience kaya akmang-akma sa Pasko at limot mo agad ang ingay at stress ng siyudad.

Pero ang pinakamalaking sorpresa ay ang mga pastries, sandwiches at pasta na bunga ng research at pag-aaral nina chefs Risa at AJ sa Italy, Malaysia at ilan pang bansang kilala sa mundo ng pagluluto. Nang magsimula ang operasyon ng Desserts Chalet nitong Oktubre 2014, nakilala agad ang kakaibang cupcakes nila tulad ng sesame mucho, vanilla mansi, choconut nut, na ilan lamang sa mga mabilis na naging bestsellers nila.

Ang nakakatuwa, si AJ pala ang tanyag na nagpakilala ng spicy dark choco cupcake na nakilala sa Makati nang una niyang itayo ang Pastry-rific. Siya ang nagpasimula ng dark chocolate flavor na may biglaang hagod ng sili pagkagat. Ang epekto nito, nababalanse ang bittersweet na lasa ng dark chocolate kasabay ang sorpresang sipa ng anghang. Panalong-panalo ang kombinasyon na ito sa mga naghahanap ng kakaibang cupcake experience.

Tila nagiging trademark na nga rin ng Desserts Chalet ang pagdagdag ng medyo kakaibang flavor sa mga putahe nito tulad ng sekretong semi-spicy sauce ng grilled chicken sandwich nila. Gayun din ang kanilang freshly made tuna bellpepper sandwich. Linilihis nila ang mga ito ng kaunti sa nakasanayang mayonnaise o sandwich spread staple ng panlasang Pinoy at pinunukaw ang mas international at natural na lasa ng home-made sandwich.

Dahil sa metikulosong paghahanda, presentasyon, ambience at higit sa lahat sa pagkasariwa ng mga ito, matatawag na gourmet sandwiches sa mas mababang presyo ang hinahanda nina AJ at Risa para sa ikasisiya ng mga Cabanatueno. Totoo rin sa orihinal na tomato base Italian na tradisyon nito ang pasta pomodoro ng Desserts Chalet kaya “no ketchup, please!” Kung mahilig ka naman sa cream-based pasta, mayroon silang creamy chicken with mushroom na siguradong love at first bite.

Pero ang hindi mo dapat palampasin ay ang lasagna version nila dahil sila mismo ang gumagawa ng pasta nito from scratch. Kakaiba rin ang bilog na presentasyon nila nito kasabay ng sorpresa na namang spicy kick sa lasa at sarap ng lasagna.

Ngiting busog at nasarapan, yan ang siguradong mararansan mo sa unang round ng mga putahe ng Desserts Chalet. Paano pa kaya kung hainan ka ng dessert platter nila na may kasamang panna cotta, cheesecake, red velvet at mini-cupcake? Hay, paraisong nasa pinggan! Sa apat, ang panna cotta nila ang mahirap kalimutan dahil sa explosion ng iba’t-ibang texture sa iisang baso.

Hinay lang na huwag dapat madaliin ang pagsubo para namnamin mo ang subtle flavors na naglalaro sa bawat serving. Bukod sa desserts sampler nina AJ at Risa, dream-come-true ang éclair nila at chocolate truffles na may tatlong flavors sa ngayon. Mas nakakagulantang ang mababang presyo ng mga ito dahil sa kalidad ng mga raw materials at pangkalahatang preparasyon at presentasyon ng mga ito.

Kung may plano kang mag-high tea kasama ang barkada o pamilya, o kaya nama’y magmuni-muni lang mag-isa habang nag-eenjoy ng paborito mong cupcake o pastry, patok na option ang Desserts Chalet. Wala silang available na French macaron at crème brulee nang bumisita kami kaya’t may dahilan kami para bumalik sa Desserts Chalet bukod sa steaks at roasted chicken nila na hinahanda lamang nila tuwing Sabado at Linggo.

“Slow, unhurried eating” ang pangkalahatang tema kapag nasa Desserts Chalet ka. Bakit ka nga naman magmamadali kung sa lugar pa lang ay relaxing na agad ang ambience habang isa-isang nagsusulputan sa harap mo ang masasarap na panghimagas at putahe na inihahanda nina Risa at AJ.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Desserts Chalet

General Tinio Ext, Cabanatuan City, Luzon, Philippines

AJ Mallorca, Risa dela Cruz

0998-559-6009 | 0915-7916009

https://www.facebook.com/DessertsChalet