ZUMBA RUN AT FUN RUN SA NEHS GRANDSTAND, PINANGUNAHAN NG NEHS BATCH 87 ALUMNI

Halos dalawang daang delegado mula sa iba’t ibang lugar ang nakiisa sa magandang layunin ng NEHS Batch 87 Alumni na makatulong sa mga nangangailangan.

Bata man o matanda, mataba man o payat, estudyante man o propesyonal, babae man o lalaki ay in-na-in sa pagsunod ng mga dance steps na itinuro ng mga Zumba Dance Instructor na sina Lloyd Miguel, Rachel Hidalgo, Rowell Tungol, Michael Alexis Cabling at Donnabel Santiago.

Umabot ng mahigit dalawang oras ang Zumba kung saan nakitaan ang ilan ng katatagan ng katawan pagdating sa pagsayaw.

Ang Zumba ay makakatulong upang mabawasan ang pagiging mataba at sakitin ng isang tao dahil sinusunog nito ang mga taba at pinapaganda ang daloy ng dugo sa lahat ng parte ng katawan.

Ayon sa Batch 87 Alumni, napakahalaga na magkaroon ng malusog na pangangatawan lalong-lalo na sa panahon ngayon na maraming gastusin kaya bawal magkasakit sa halip ay makiisa na sa mga ganitong uri ng pinaghalong sayaw at aerobics

Nagkaroon din ng 3 kilometers at 5 kilometers Fun Run para sa mga hindi sumali sa Zumba.

Ang mga nalikom na pera sa Zumba Run at Fun Run ay ilalaan sa kanilang kauna-unahang benepisyaryo tulad ng NEHS.

Bukod dito, ang matitirang pondo ay maibibigay sa mga anak ng kanilang kasamahan na hindi kayang pag-aralin at ang mga bata sa Bahay ni San Jose sa bayan ng San Antonio na mabebenipisyuhan ng kanilang mga proyektong isinasagawa.

Hindi lamang pagalingan sa pag-indak ang makikita sa NEHS Grandstand.

Pati ang Mobile Kitchen ng ina ng lalawigan Congresswoman Cherry Umali, nakiisa rin sa proyekto ng NEHS Batch 87 Alumni.

Ang magandang sound system, handog naman ng dating Board Member, Doc Anthony Umali.

Laking pasasalamat naman ni Bauto dahil naging matagumpay ang kanilang proyekto ng araw na iyon.- Ulat ni Shane Tolentino