PHP 2 BILLION BUSINESS HUB, IPAPATAYO SA PALAYAN CITY

Ginanap kamakailan ang Ground Breaking Ceremony para sa nalalapit na pagpapatayo ng Business Hub sa tatlong ektaryang lupain sa Palayan City, na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso.

Isang contract signing o pagpirma sa kasunduan, sa pagitan ng Alloy MTD, Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at Pamahalaang Panglungsod ng Palayan, ang natunghayan para sa pagpapatayo ng Business Hub sa Palayan City.

Dumalo sa nasabing pagtitipon ang ating kagalang-galang na Ama ng Lalawigan ng Nueva Ecija, Governor Aurelio Matias Umali, kasama sina Alloy MTD sa ilalim ng Malaysian Chief Executive Officer Dato’ Azmil Khalili Bin Khalid at MTD Philippines President Engineer Isaac David kasama ang ilan pang board of directors.

Kasama ring dumalo ang alkalde ng Palayan City, Mayor Adrianne Mae Cuevas, kasama ang mga empleyado ng Palayan City Hall, ng kapulisan at kasundaluhan, at ng iba’t ibang sektor.

Ang naturang proyekto ay isang joint venture sa pagitan ng MTD Philippiness, sangay ng malaking kalipunan ng Malaysian Alloy MTD, ng Pamahalaang Pamprobinsya ng Nueva Ecija at Pamahalaang Panglungsod.

Inaasahang bubuo ang Business Hub na ito, ng labing tatlong libong trabaho.

Sampung libo sa mga ito ay para sa mga call center agents, tatlong libong job opportunities para sa iba’t ibang komersyal na establisyemento, hotel at mga opisina ng pamahalaan.

Ang Palayan City Business Hub, ay ang magiging Nueva Ecija Government Center at Central Business Park ng Lungsod.

Sa talumpating inihatid ng Gobernador sa naturang programa, aniya nararapat lamang na ang mga Novo Ecijano ay makaramdam ng pagmamalaki, sapagkat ang pagpapatayo ng naturang gusali ay ang simula sa pag-abot ng pangarap ng bawat Novo Ecijano.

Naniniwala ang ating Gobernador na ang pagbibigay ng maayos at komportableng lugar ng pinagtatrabahuhan ay magpapalakas sa mabilis na paghahatid ng mga serbisyo ng mga empleyado ng gobyerno sa mga tao.

Ayon naman kay Mayor Cuevas, itinuturing na Capital ng Lalawigan ang Palayan sa loob ng apatnapu’t walong taon.

Kaya naman sisimulan na niya, aniya ang pagpapaunlad sa Palayan sa kanyang termino, na kung saan magbibigay nga ng butil pag-asa para sa Palayanos.

Samantala ang Konstruksiyon ng proyekto ay magsisimula sa Enero 2015 at nakaplanong tapusin sa loob ng labing walo hanggang dalawamput apat na buwan.

Isinagawa rin ang pagmimisa at pagbabasbas sa lugar ng pagtatayuan ng naturang proyekto, kasunod ang ribbon cutting. – Ulat ni Shane Tolentino