MGA TINDERA NG PALENGKE SA CABANATUAN, NAGSAMPA NG KASO VS. MAYOR VERGARA, SANGGUNIANG PANLUNGSOD, AT OPERATOR NG BARATILYO

 

Ngayong panahon ng kapaskuhan, malaki na sana ang kinikita ng mga tindera ng palengke at mga tricycle drivers sa lungsod ng Cabanatuan.

Pero dahil inilagay ang baratilyo sa tabi ng Pamilihang Bayan ng Cabanatuan sa Paco Roman at Burgos Street, resulta nito ay pagkalugi ng mga tindera at matinding pagsisikip ng trapiko.

Kinalampag na ng Cabanatuan City Supermarket Vendors Association Inc. sa pamamagitan ng kilos protesta ang Pamahalaang Panlungsod upang dinggin ang kanilang hinanaing na ilipat sa ibang lugar ang baratilyo ngunit walang naging aksyon dito si Mayor Vergara at Sanggunian.

Kaya nagsampa na ng kaso nitong nakaraang Biyernes, December 5, 2014 sa Regional Trial Court Branch 23 ang Cabanatuan City Supermarket Vendors Association Inc. sa pamumuno ni G. Jose Esquivel laban kay Mayor Jay, Sangguniang Panlungsod, at sa operator ng baratilyo na si Engineer Bobby Pararuan.

Nilalaman ng petisyon ang kahilingan ng mga tindera ng palengke na magbaba ng Temporary Restraining Order ang husgado, ipawalang bisa ang ordinansang inindorso ni Mayor Vergara at ipinasa ng Sanggunian para makapag-operate ang baratilyo sa tabi ng palengke mula October 15, 2014 hanggang January 15, 2015 at permanenteng ipasara ang baratilyo.

Ipinagkait umano ng local na pamahalaan ang karapatan ng mga tindera dahil hindi dumaan sa tamang proseso ang baratilyo.

Hindi nagkaroon ng public hearing, public consultation, at bidding kung saan dapat na marinig ang panig ng mga apektado.

Isa pang argumento ng mga tindera ay hindi pwedeng paupahan ang kalye ng Paco Roman at Burgos kung saan ipinuwesto ang baratilyo dahil pampublikong lansangan ang mga ito.- Ulat ni Danira Gabriel