JOBS FAIR, GINANAP SA IKA-81 ANIBERSARYO NG DOLE

Layunin ng proyektong Trabahong Umali o Jobs Fair 2014 ni Governor Umali na mailapit ang job opportunities sa mga Novo Ecijano.

Magbibigay ng apat na libong job opportunities, mapalokal at overseas, ang Job Fair para sa mga Novo Ecijanong nagnanais magkaroon ng trabaho.

Kahit na may bagyo, ay dumagsa pa rin ang daan-daang mga Novo Ecijano upang makipagsapalaran sa pag-asang sila ay papalaring makapasok sa isa man sa dalawampu’t pitong kompanyang nag-aalok ng trabaho.

Ayon kay Chief PESO Officer Michael Calma, isa sa mga itinatatag ng Jobs Fair ay ang koneksyon ng mga ahensya at kompanya sa ilang mga LGU’s o Local Government Units upang magkaroon din ng Recruitment Activity sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Ayon naman kay Nueva Ecija Federation President PESO Managers  Jose Pepe Imana, nang matatag ang PESO Offices sa lalawigan ay bumaba na ang bilang ng mga Novo Ecijanong walang trabaho, at nakatutulong aniya sila sa pagbaba ng standards o pamantayan ng mga ahensya o kompanya sa pagtanggap ng mga aplikante.

Isa sa mga nagpunta sa nasabing Job Fair ay ang fresh graduate na si Aldrin Santos na nagbakasaling makakuha ng trabaho na lubos na nagpasalamat partikular kay Governor Umali dahil sa oportunidad na naihain para sa mga katulad niya.

Nagtungo rin ang dalawampung taong gulang na si Anna Joy Marcelo, hiling niya na sana ay dumami pa ang mga job opportunities tulad nito hindi lamang sa mga nakatapos ng kolehiyo ngunit maging sa katulad niyang under graduate.

Siniguro naman ni Imana na may trabaho para sa mga High School graduate, Undergraduate, Vocational Graduates at mga College Graduate na nais mag-apply.- Ulat ni Shane Tolentino